Kailangan mo ba ng bagong puso o kidney?
Xenotransplantation ang tawag sa pamamaraang medikal na mga selula, kalamnan o lamanloob ng hayop ang ikinakabit at ipinapalit sa nasira o nawalang bahagi sa katawan ng isang tao tulad ng puso, kidney, baga at atay.
Napakatagal nang ineeksperimento ng mga dalubhasa sa buong mundo ang xenotransplantation pero patuloy na nabibigo. Ito sana ang sagot sa lubhang kakulangan ng donor para sa mga taong nangangailangan ng bagong puso o kidney halimbawa pero, dahil maraming isyu, hindi pa ito lubhang maasahan sa kasalukuyan bukod sa nasa antas pa lang ito ng mga eksperimento.
Merong mga tao na namatay din pagkaraan ng ilang linggo o kulang-kulang ng dalawang buwan mula nang masalinan ng lamanloob ng baboy.
Hindi naman aktuwal na hayop ang pinagmumulan ng mga lamanloob na ginagamit sa xenotransplantation. Ito yung mga organ o kalamnan o selula ng hayop tulad ng baboy na binago ang tinatawag na genes o DNA. Gayunman, hayop pa rin ang pinanggalingan nito.
Sa kasalukuyan, batay sa huling mga ulat, isang babae mula sa Alabama, United States na nasalinan ng kidney na nagmula sa baboy ang nananatiling malusog pagkaraan ng mahigit dalawang buwan mula nang maoperahan siya bagaman patuloy pa rin siyang inoobserbahan ng mga dalubhasa.
Kung magtatagal ang kanyang buhay, isa itong pampataas ng moral sa pagsusulong na maging realidad ang xenotransplantation. Meron ngang apat na tao na naunang nakabitan ng puso o kidney ng baboy pero hindi na umabot ng dalawang buwan ang kanilang buhay. May mga namatay dahil tinanggihan ng kanilang katawan ang organ ng hayop o nagkaroon ng kumplikasyon.
Pero, sa dami ng mga taong nagkakasakit sa puso, kidney, baga, atay at iba pa at haba ng listahan ng mga umaasa o nag-aabangan ng donor ng ganitong mga lamanloob, nakakapagbigay din naman ng pag-asa ang xenotransplantation kung sakaling maging matagumpay na sa hinaharap ang ganitong pamamaraan ng operasyon.
Tiyak nga lang na magiging napakamahal ng naturang operasyon kung sakaling makatuklas ng wastong paraan para mabuhay nang matagal ang mga taong ang katawan ay kinabitan ng lamanloob ng hayop.
Pero, dahil laman, kalamnan o selula ng baboy ang karaniwang ginagamit sa xenotransplantation, nagkakaroon ito ng mga isyu tulad ng mga sakit o mikrobyong dala ng pinagmulan nitong baboy o ng sa paniniwalang relihiyon na ipinagbabawal ang pagkain o paggamit ng anumang bagay na nagmumula sa baboy.
Napakahirap nga naman sa isang pasyente ang pagdedesisyon kung papayag siya sa xenotransplantation kung ito lang ang nakikitang paraan para lumawig ang kanyang buhay pero taliwas naman sa kanyang paniniwala o pananaw sa buhay.
Paano kung dumating ang panahon na nagkaroon ka ng malubhang sakit sa puso, baga, atay, kidney na kailangan nang palitan kung hindi magagamot o mareremedyuhan sa mga normal o karaniwang operasyon pero walang pamalit? Lalo na kung ang gugustuhin mong pamalit ay lamanloob din ng isang tao pero iyong mula lang sa hayop ang meron.
Sa kabilang banda, mas mainam pa rin sa sino man na ingatan ang kalusugan para makaiwas sa anumang sakit hangga’t maaari.
Napakarami nang mga nakakalat na kapaki-pakinabang na mga impormasyon kung paano mananatiling malusog ang katawan. Sayang naman ang mga impormasyon na ito kung hindi magagamit sa araw-araw na pamumuhay!
-oooooo-
Email: rmb2012x@gmail.com
- Latest