^

Punto Mo

Dumarami ang nagsasabing sila’y mahirap

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa
This content was originally published by Pang-masa following its editorial guidelines. Philstar.com hosts its content but has no editorial control over it.

LUBHANG nakakabahala ang resulta ng pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) tungkol sa self-rated poverty o sa bilang ng mga Pilipinong naniniwalang sila’y mahirap. Batay sa resulta ng survey ng SWS noong Disyembre 2024, 63 porsyento ng mga Pilipino ang itinuturing ang kanilang sarili na mahirap. Ibig sabihin, base sa 116 milyong populasyon ng Pilipinas, 69 milyon ang naniniwalang sila’y mahirap, na hindi sapat ang kanilang kinikita upang matugunan ang mga basikong pangangailangan na tulad ng pagkain, bahay, at damit.

Ito ang naitalang pinakamataas na porsyento sa loob ng 21 taon. Ang pinakamataas na porsyento ay naitala sa Mindanao, kung saan 68 porsyento ng mga Pilipino ay naniniwalang sila’y mahirap. Sumunod ang Bisayas, 61 porsyento. Maigi-igi nang kaunti ang Metro Manila, 38 porsyento. Ito marahil ang isa sa mga dahilan kung bakit patuloy pa ring dumarami ang mga nandarahuyan sa Metro Manila at kung bakit napakataas ng bilihan ng boto sa Bisayas at Mindanao sa tuwing may eleksyon.

Sa isa pang survey na ginawa ng SWS, 22.9 porsyento ng pamilyang Pilipino ang nakaranas noong nakaraang taon ng pagkagutom. Ibig sabihin, may mga araw na hindi nakakakain ng tatlong beses o talagang walang kinakain sa loob ng isang araw. Ito ang bunga ng patuloy na pagtaas ng halaga ng pagkain dito sa atin, lalo na ang bigas na pangunahing pagkain nating mga Pilipino. Noong araw ay palasak ang salitang, “nagdidildil ng asin,” ibig sabihin ay kanin lang at konting asin ang kinakain, walang ulam. Ngayon, wala ng ulam, wala pang asin, at walang kanin.  

Perception lamang naman daw ang kahirapang ito, ayon lang sa pananaw at paniniwala ng mga tumugon sa survey. Pero ang pananaw at paniniwala ay isang makapangyarihang puwersa sa ugali, asal, kasiyahan at pinahahalagahan o values ng isang tao. Iba ang magiging diskarte sa buhay ng isang taong naniniwalang siya’y mahirap, kaysa isang taong naniniwalang hindi siya mahirap. Lalo na kung pagkagutom ang pag-uusapan. May kasabihan na ang ideolohiya ng sikmura ang pinakamakapangyarihang ideolohiya. Kapag sikmura ang kumalam, apektado ang paniniwala at prinsipyo. Kapag sikmura ang kumalam, kahit masama ay gagawin mapakain lang ang kumakalam na sikmura.

Ang malungkot, habang milyung-milyong Pilipino ang naghihirap, milyun-milyon hanggang bilyung-bilyong piso ang ninanakaw ng mga kawatan sa kaban ng bayan; milyun-milyon hanggang bilyung-bilyong piso ang ginagastos sa mga di-maipaliwanag na confidential at intelligence funds; milyun-milyon hanggang bilyung-bilyong piso ang ginugugol sa mga proyektong hindi naman pinakikinabangan ng bayan, pero siguradong may nakinabang.

 Dapat maalarma ang kasalukuyang administrasyon. Mas maraming Pilipino ang nagsasabi ngayon na sila’y mahirap at nakararanas ng gutom, kaysa noong 2004. Kailangan ng matataas na opisyales ng gobyerno na magpatupad ng mahigpit na life-syle check. Sa harap ng ganitong malawakang perception ng kahirapan, ang pagdidisplay ng karangyaan sa panig ng matataas na lider ay hindi lamang imoralidad, kundi isang bombang nanganganib na sumabog. Ang buhay ng ating Republika ang nakataya rito.

Kung paanong maiaangat ang kabuhayan ng 63 milyong Pilipinong naniniwalang sila’y mahirap ang dapat maging plataporma ng lahat ng kumakandidato sa eleksyon sa Mayo. Ang kailangan natin ngayon ay mga lider na magpapayaman, hindi sa kanilang sarili, kundi sa mga Pilipinong naniniwalang sila’y mahirap.       

POVERTY

SOCIAL WEATHER STATIONS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with