Naglipanang Chinese spies, lumang isyu na!
KAMAKAILAN, may nahuling Chinese spy ang National Bureau of Investigation (NBI) at nasamsam dito ang mga sopistikadong gamit pang-espiya. Nadiskubre sa posesyon nito ang recorded confidential details ng operasyon ng AFP.
Dalawang Pilipino na kasama ng Intsik ang nasakote at ayon sa mga dokumentong nakalap ng NBI, kumpleto na ang mga datos na natipon ng Chinese spy sa buong Luzon at patawid na sa Visayas at Mindanao. Nakupo!
Hindi naman nakapagtataka dahil bulgaran namang ipinakita at ipinadama ng administrasyon ni dating President Duterte noon ang pakikipagmabutihan sa gobyerno ng China. Nakipagkoalisyon pa nga ang Partido Demokratiko Pilipino (PDP) sa Communist Party of China (CPC) noong Hunyo 2017 na ginanap sa Fujian, China. Humarap sa kasunduan si Sen. Koko Pimentel.
Minsan pa ngang sinabi ni Digong na payag itong maging probinsiya tayo ng China kasabay nang pagsasabing lahing Intsik daw ang pamilya nila. Nagsasawa na kaya talaga si Dee Ghong sa pagiging Pilipino? Ngek!
Noong 1971, pinangunahan ni Rep. Rufino D. Antonio ang Philippine Statehood USA Movement upang maging estado tayo ng United States. Nailathala ito sa pahayagan at kinontra nang noo’y kongresista ring si Joaquin Roces ang pantasya ni Antonio. Kamuntik nang maging dolyar ang pera natin, he-he!
Noong sakupin tayo ng mga Kastila at Amerikano, kaalyado na natin ang mga negosyanteng Intsik at nagbigay ng pinansiyal na tulong para maibili ng armas ng mga rebolusyonaryo para labanan ang mga Kastila at Amerikano.
Sina Jose Rizal, magkapatid na Juan at Antonio Luna, Andres Bonifacio, Marcelo del Pilar, Emilio Aguinaldo ay may lahing Intsik. May katwiran nga si Dee Ghong!
Ang kinatatakutan nating paglusob ng mga Intsik sa bansa ay matagal nang nangyari. Nasalikop na nila sa mahabang panahon ang malalaking negosyo maging mga banko at nabili na nila halos ang lahat ng magagandang lugar sa Pilipinas. Sila rin ang bumabakas nang malaki sa mga pulitiko tuwing eleksiyon. Totoo ‘yan!
- Latest