EDITORYAL — Panibagong pambu-bully ng China, putok-taynga
GUMAGAMIT na ang China Coast Guard (CCG) ng long range acoustic device (LRAD). Ang device ay naglalabas nang mataas na decibel level na sobrang sakit at makasisira sa pandinig.
Ito ang ginamit ng CCG 3103 para i-harass ang Philippine Coast Guard (PCG) sa baybayin ng Zambales sa West Philippine Sea noong Sabado. Pinaaalis ng CCG ang PCG vessel BRP Cabra na nagbabantay sa nasabing lugar. Nang hindi umalis ang BRP Cabra, ginamit ang LRAD.
Ito ang unang pagkakataon na gumamit ng LRAD ang CCG. Sa mga nakaraang pangha-harass, pagbangga at pagbomba ng tubig ang ginagawa.
Malaki ang paniwala ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela na ang CCG-3103 ay inieskortan ng “monster ship” CCG-5901. Ang monster ship ay unang nakita sa Zambales coast noon pang Enero 2 at patuloy sa paglalayag sa iba’t ibang lugar na sakop ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Ayon pa kay Tarriela, naitaboy ng PCG ang CCG-3103 sa pagitan ng 90 at 95 nautical miles mula sa dalampasigan ng Zambales, ngunit sakop pa rin ito ng EEZ ng Pilipinas. Hindi umano sila tumitigil sa pagsasagawa nang madalas na radio challenge sa CCG-3103. Ito aniya ay para malaman ng CCG na sila ay ilegal na naglalayag sa EEZ ng Pilipinas.
Nagsawa na sa pambobomba ng tubig, pagbangga at paggamit ng laser ang CCG kaya ang pagpapakawala ng nakabibingi at nakasisirang tunog ang ginagawa ngayon. Lahat ay sinusubukang gawin para sindakin ang PCG.
Noong Sabado pa rin, dalawang barko ng Pilipinas na nagsasagawa ng scientific survey sa Kalayaan Island ang hinarass ng tatlong CCG vessels. Patungo sa Kalayaan ang BRP Pagbuaya at BRP Datu Bankaw nang harangin ng CCG vessels at isang PLA helicopter. Dahil sa nangyari, hindi na itinuloy ang scientific mission at nagbalik na ang dalawang barko.
Patuloy ang ginagawang pangha-harass ng China at nangyayari ito sa mismong teritoryo ng Pilipinas. Maghahain ng panibagong diplomatic protest ang Pilipinas sa ginawang pagharang ng CCG vessels sa mga barko ng Pilipinas.
Marami nang naihaing protesta sa China subalit walang epekto at gumagawa pa nang mga delikadong hakbang gaya ng paggamit ng LRAD.
Ang pakikipag-alyansa ng Pilipinas sa mga malalaking bansa ang nararapat para mapigilan ang patuloy na pambu-bully ng China. Wala nang ibang magagawa sapagkat masyadong malaki ang China at hindi uubra ang Pilipinas. Pagtibayin ang pakikipag-ugnayan sa malalakas na bansa na maaring magtanggol sa oras ng pangangailangan.
- Latest