EDITORYAL - Uhaw sa katarungan, kaanak ng SAF 44
SAMPUNG taon na ang nakalilipas mula nang maganap ang karumal-dumal na pagpatay sa 44 na miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force (SAF) commandos. Ginunita ang kamatayan ng 44 SAF sa ginawang “Araw ng Pambansang Pag-alala” sa Philippine National Police Academy (PNPA) Grandstand sa Camp Gen. Mariano Castañeda, Silang, Cavite. Dumalo sa paggunita ang mga kaanak ng namatay, mga opisyal ng PNP at mga pinuno ng pamahalaan.
Nagsalita ang mga naulila ng SAF-44 at makikita sa kanilang mga mukha ang hapdi na idinulot ng massacre. Nananatili pa rin ang masakit na pangyayari na lalo pang umaantak dahil sa hindi pa naisisilbing hustisya.
Minasaker ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at SAF-44 sa Mamasapano, Maguindanao. Ang 44 ang nagsilbing blocking force sa mga sumalakay sa kubo ng Indonesian terrorist na si Marwan. Napatay ng SAF si Marwan. Pitong oras nakipaglaban ang SAF 44 sa MILF at BIFF noong madaling araw ng Enero 25, 2015 pero walang sumaklolo sa mga ito. Hinayaang patayin ng MILF at BIFF ang police commandos at saka pinagnakawan pa ang mga ito. Ninakaw ang cell phones, uniporme, combat boots at baril ng mga ito. Karamihan sa commandos ay pinagtataga. Isa lamang ang nakaligtas sa masaker.
Nag-imbestiga ang Senado noong 2017 pero nagturuan lang ang military general at mga dating opisyal ng Philippine National Police kabilang si dating PNP chief Alan Purisima na may kinalaman sa “Oplan Exodus”. Itinuturo ng military general ang dating hepe ng Special Action Force na hindi nakipag-coordinate sa kanila kaya hindi nabigyan o napadalhan ng tulong habang nakikipagbakbakan sa MILF at BIFF. Pero itinanggi iyon ng dating hepe ng SAF. Ayon sa kanya, maaga pa lamang ay humingi na siya ng artillery support sa AFP. Pero walang dumating na tulong. Dahil hindi nasaklolohan, nalagas ang 44 na SAF. Sa dakong huli, napawalang-sala si Purisima at dating SAF Director Getulio Napenas.
Hanggang ngayon, malaking katanungan kung bakit hindi nasaklolohan ng AFP ang mga nasukol na SAF. Bakit hinayaan na patayin ng mga kalaban ang 44 commandos?
Sa kabila na 10 taon na ang nakalilipas, umaasa pa rin ang mga naulila ng 44 SAF na makakamit pa rin nila ang inaasam na katarungan. Ang hindi tiyak ay kung kailan iyon maipagkakaloob.
- Latest