EDITORYAL — Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, walang silbi!
LAYUNIN ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Act kaya ito isinabatas at nilagdaan ni President Ferdinand Marcos Jr. noong Setyembre 26, 2024 ay para mapigilan ang agricultural smuggling sa bansa. Malaking perwisyo sa bansa at pumapatay sa kabuhayan ng mga lokal na magsasaka ang smuggling ng agri products.
Sa ilalim ng batas, habambuhay na pagkakulong at multang limang ulit ang halaga sa pinuslit na produkto ang kaparusahan. Subalit nakadidismaya na walang silbi ang batas dahil sa halip na mapigilan ang smuggling ng agri products, lalo pang naging matapang ang smugglers. Patuloy ang pag-smuggled ng gulay, bigas, isda at karne.
Noong nakaraang linggo, bumisita si Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel sa Pasay City Public Market at lantaran niyang sinabi na may nangyayaring agricultural smuggling. Nakita niya sa palengke ang mga gulay na tulad ng onion sticks, Chinese yam, large broccoli at paminta ay nababalutan ng Chinese characters.
Ayon sa kalihim, ang mga produktong ito ay kulang ng Sanitary at Phytosanitary Import Clearances (SPSICs) mula sa Bureau of Plant Industry kaya hindi ligtas kainin ang mga ito. Sinabi pa ni Tiu-Laurel na kaya nagkakaroon ng pagtaas sa presyo ng mga gulay ay dahil sa smuggling. Ipinag-utos ni Tiu-Laurel na imbestigahan ang mga smuggled na gulay at papanagutin ang mga nasa likod ng pagbebenta ng mga puslit na produkto. Hiniling naman ng Department of Trade and Industry na magpalabas ang Bureau of Customs ng seizure orders sa mga smuggled na agri products.
Noong nakaraang Disyembre, nakasamsam ang Criminal Investigation and Detection Group at Bureau of Plant Industry ng P1.5 milyong halaga ng mga smuggled na puting sibuyas, carrots, luya, bawang at mga frozen na karne sa isang bodega sa Taguig City. Pawang galing sa China ang mga produkto. Hindi naman nabatid kung kinasuhan ang may-ari ng establisimento.
Malaking insulto sa pamahalaan ang ginagawa ng agri smugglers. Mayroong batas laban sa smugglers pero walang pangil. Sayang ang batas na nagiging dekorasyon lang.
Maraming beses na ring binantaan ni President Marcos Jr. ang nananabotahe sa ekonomiya subalit hindi natatakot sa kanya. Kumilos naman sana ang agriculture department sa nangyayaring talamak na agri smuggling sa bansa.
- Latest