EDITORYAL — Mag-ingat, baka mayroon ng ‘Chinese spy’ sa komunidad

NAGDUDULOT ng pangamba ang pagkakaaresto ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at National Bureau of Investigation (NBI) sa isang pinaghihinalaang “Chinese spy”.

Naaresto noong Lunes si Deng Yuanqing at dalawang Pilipino na nakilalang sina Ronel Jojo Balondo Besa at Jayson Amado Ferndandez. Nakuha sa SUV ni Deng ang mga modernong kagamitan sa pag-eespiya. Ayon sa NBI ang tatlo ay nagsasagawa ng pag-eespiya, surveillance at reconnaissance operations. Marami na raw naisagawang pagbisita at mapping sa military at police headquarters ang tatlo.

Sa pagkakahuli sa Chinese spy, mabilis namang nag-react si Chinese Foreign Minister Mao Ning na nagsabing tigilan na ng Pilipinas ang pagpapakalat ng mali ukol sa “Chinese spy”. Wala raw Chinese spy. Sabi pa ni Mao, maging makatotohanan daw sana ang Pilipinas. Pawang katotohanan lamang daw ang ilabas at huwag maling inpormasyon. Umapela pa si Mao sa pamahalaan na protektahan ang karapatan ng mga Chinese national sa Pilipinas.

Malaki ang posibilidad na may mga Chinese spy na nga sa Pilipinas at noon pa sila naninirahan dito. Maaring kahalubilo na sila ng mamamayan. Si dating Bamban Mayor Alice Guo ay una nang inakusahan na Chinese spy. Bata pa lamang siya ay narito na sa Pilipinas at naging matatas na sa pagsasalita ng Tagalog.

Bukod sa isyu ng Chinese spy, nagdudulot din ng pangamba ang sunud-sunod na pagkakadiskubre ng mga submersible drone sa iba’t bahagi ng bansa. Ang pinaka-latest na sea drone ay natagpuan sa karagatan ng Bohol noong Martes ng isang hindi nagpakilalang mangingisda. Ang drone ay kulay silver at pula. ­Kumalat sa Facebook ang natuklasang drone. Nanawagan ang Armed Forces of the Philippines sa mangingisdang nakatagpo sa drone na ingatan ito at ipagbigay alam sa malapit na military o naval station upang masiguro ang tamang pag-handle at disposition sa nasabing drone.

Noong Enero 2, natagpuan ng mga mangingisda sa karagatan na sakop ng Masbate ang isang submersible drone na may dalawang metro ang haba at hinihinalang pag-aari ng China base sa nakasaad na pangalan sa katawan nito. Posibleng sumasagap ng inpormasyon ang mga natagpuang drones sa mga malalapit na military installations.

Habang may Chinese spy at drones na sa bansa, wala namang tigil ang pagyaot ng “monster ship” ng China Coast Guard sa teritoryong sakop ng Pilipinas. Una itong nakita sa baybayin ng Zambales noong unang linggo ng Enero. Kahina-hinala ang paglalayag ng “monster ship” na tila nagmamatyag sa Pilipinas.

Show comments