NANANATILING nasa balag ng alanganin ang katanungan kung sasama ba ang Pilipinas sa pinaplanong pagbalik at pagtatayo ng permanenteng base ng mga tao sa Buwan.
Ipinahayag ng bansa noong nakaraang taon na ikinokonsidera nito ang paglagda sa kontrobersiyal na Artemis Accord pero wala pa rin itong linaw hanggang sa kasalukuyan.
Maaaring pinag-aaralan pa rin ng pamahalaan ng Pilipinas kung sasali ito sa Artemis Accord na baka tulad din naman ng ginagawa ng ibang mga bansang matagal na pinag-aralan bago nila napagpasyahang makiisa rito.
Itinatag noong Oktubre 2020 ang Artemis accord na pinangungunahan ng United States at unang nilagdaan ng walong orihinal na bansa. Isa itong grupo ng mga pahayag na naglalatag ng mga prinsipyo, panuntunan at mahuhusay na gawain para sa paggalugad sa Buwan at iba pang bahagi ng kalawakan.
Inaasahang ang pagtatayo ng permanenteng base ng tao sa Buwan ay makakapagbigay-daan sa pagpapadala ng mga tao sa planetang Mars. Hanggang nitong nagdaang Enero 21, 2025, umabot na sa 53 bansa ang lumagda sa Artemis Accord nang opisyal nang sumama na rin dito ang Finland.
May mga nagsasabing maaaring hindi pa lubhang nakakaunawa sa kahalagahan ng Artemis Accord ang mga bansang hindi pa sumasama rito. Umaabot sa 193 ang mga bansa sa mundo kung pagbabatayan ang bilang ng mga kasapi ng United Nations.
Lumilitaw na 154 pang bansa ang hindi kasama sa Artemis accord. Kabilang dito ang Russia at China na tahasang tumatanggi at bumabatikos sa Artemis Accord dahil namomonopolisa umano ito ng U.S. Meron namang sariling space mission sa Buwan at Mars ang mga Ruso at Intsik. Nakapagpadala na nga rin ang China ng mga robotic spacecraft nito sa Buwan at plano rin nitong magpadala roon ng sarili nilang mga astronaut sa hinaharap.
Kabilang sa sumama sa Artemis Accord ang Angola, Argentina, Armenia, Australia, Austria, Bahrain, Belgium, Brazil, Bulgaria, Canada, Chile, Columbia, Cyprus, Czech Republic, Denmark, Dominican Republic, Ecuador, Estonia, Finland, France, Germany, Greece, Iceland, India, Israel, Italy, Japan, Lichtenstein, Lithuania, Luxemburg, Mexico, Netherlands, New Zealand, Nigeria, Panama, Peru, Poland, Republic of Korea, Romania, Rwanda, Saudi Arabia, Singapore, Slovakia, Slovenia, Spain, Sweden, Switzerland, Thailand, Ukraine, United Arab Emirates, United Kingdom, United States of America, at Uruguay.
Pero ano nga ba ang maaaring mga pakinabang at kabuluhan ng pagtira ng mga tao sa Buwan sakaling magagawa nilang mabuhay at manirahandoon? O kailangan bang merong makukuhang pakinabang ang isang bansa para makiisa sa Artemis accord na yan?
Maaaring maraming mga kailangang isaalang-alang ang Pilipinas bago magdesisyong makiisa sa pandaigdigang pagsisikap na magtayo ng kolonya ng tao sa Buwan at maging sa planetang Mars.
Hindi masasabing walang maiaambag ang bansa sa naturang proyekto dahil meron naman itong mga sariling eksperto sa larangan ng astronomiya at ibang kahalintulad na larangan bukod sa meron na rin namang sariling space program angPilipinas.
Email: rmb2012x@gmail.com