Inggitera
IBA’T IBA ang klase ng mga inggitera. May inggitera na pasimple lang. Hindi sila naninira pero gumagawa sila ng paraan para hindi ka makasali sa mga “activities” na puwede kang mag-“shine” at maging bida. Kung kabilang kayo sa iisang grupo at nagkataong mas powerful sa iyo ang inggitera, iitsapuwera ka niya lagi, para hindi ka makabida.
Halimbawa, yung department n’yo ay tatanggap ng award. Si inggitera ang pipili kung sino ang isasama sa pagtanggap ng award. Mapapansin mong kahit kailan ay hindi ka niya isinasama.
Tapos mapapansin iyon ng isang Bossing. Tanong nito: Bakit hindi ka kasama sa pagtanggap ng award? Sagot mo: Wala po akong alam tungkol doon. Sabi ulit ng Bossing: Dapat ikaw ang isinasama roon.
Hindi ka na lang magsasalita. Less talk, less intrigue.
Ang isa pang klase ng inggitera ay ‘yung inggiterang “tanga”. Tanga, kasi hindi marunong magpasimple kagaya ng nauna kong inilarawan. Gumagawa sila ng mga tsismis na ikakasira ng taong kinaiinggitan nila.
Kumbaga, bukung-buko ang pagiging inggitera niya. Sa kaibuturan ng kanilang puso ay alam nilang mas mataas ang kinalalagyan ng kanilang kinaiinggitan kaysa kanila. Ang paninira lang ang alam nilang makapagpapababa sa taong kinaiinggitan nila.
Sa place of work, sa school o kahit sa circle of relatives at in-laws, mapapansin mo na may isang taong hindi ka type kaibiganin. Day one pa lang ng inyong pagkikita ay may feeling kang hindi ka niya gusto. Matabang siyang makitungo sa iyo.
Ayon sa aking nabasa, huwag mo nang tangkain pang alamin kung ano ang ikinaaayaw niya sa iyo, o tangkaing i-please siya, para tanggapin ka niya. Basta’t hayaan mo na lang na ganoon ang sitwasyon—ayaw niya sa iyo—e, di ayaw mo rin sa kanya, at ipagpatuloy mo lang ang iyong buhay.
Natatandaan ko pa ang sinabi ng aking propesora: Huwag mo nang hangarin pa na magustuhan ka ng lahat ng tao dahil imposible ‘yun.
- Latest