EDITORYAL - Mga korap gov’t officials pinapanukalang barilin
TALAMAK ang katiwalian sa pamahalaan. Maraming tanggapan ng pamahalaan ang lubog sa korapsiyon. Mababanggit ang Bureau of Customs, Bureau of Immigration, Bureau of Internal Revenue, Department of Public Works and Highways, Land Transportation Office, Philippine National Police, at marami pa. Ang katiwalian sa pamahalaan ang dahilan kaya naghihikahos ang bayan.
Noong nakaraang linggo, hinatulan ng Sandiganbayan si dating Quezon City Mayor Herbert Bautista at si dating city administrator Aldrin Cuna ng 10 taong pagkakakulong dahil sa graft and corruption. Ayon sa Sandiganbayan, nagkasala ng graft sina Bautista at Cuna dahil sa pagbili ng Online Occupational Permitting and Tracking Systems noong 2019 na nagkakahalaga ng P32 milyon. Pinagbabawalan din sina Bautista at Cuna na magtrabaho sa pamahalaan.
Noong 2022, hinatulan din ng Sandiganbayan anti-graft court na mabilanggo si dating Armed Forces of the Philippines (AFP) comptroller Major General Carlos Garcia dahil sa direct bribery, money laundering, perjury, at paglabag sa Articles of War.
Noon pa man, napakarami nang government officials na naakusahan ng katiwalian at nahatulang mabilanggo. At sa kabila na marami nang nahatulan, patuloy pa ring namamayani ang katiwalian sa gobyerno. Hindi lamang mayor, army general, police officials kundi may mga senador din na inaakusahan ng katiwalian dahil sa paggastos ng pera ng bayan. Ang katiwalian sa pamahalaan ay maihahalintulad sa kanser na patuloy sa paggapang at wala nang pag-asa pang gumaling.
Noong nakaraang linggo, inihain sa House of Representatives ang pagpataw ng parusang kamatayan sa pamamagitan ng firing squad sa mga opisyal ng pamahalaan na mapapatunayan ng Sandiganbayan na nagkasala ng graft and corruption, malversation of public funds at plunder.
Ang House Bill 11211 o Death Penalty for Corruption Act ay Inakda ni Zamboanga 1st District Rep. Khymer Adan Olaso. Sa panukala ni Olaso, sakop lahat ng government officials, inihalal man o itinalaga sa executive, legislative, at judicial branch kasama ang mga constitutional commission, government owned and controlled corporation gayundin ang mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police.
Ayon kay Olaso, bagama’t wala nang parusang kamatayan sa ilalim ng Republic Act 9346, hindi naman daw maitatanggi ang negatibong epekto ng korapsiyon kaya napapanahon na bigatan ang parusa laban sa mga mandarambong na opisyal.
Kapuri-puri ang panukalang batas na ito. Unang pagkakataon na may naghain ng ganito at dapat na suportahan. Harinawang maaprubahan ito. Kung papasa, walang matitira sa mga opisyal ng pamahalaan.
- Latest