ASEAN scholarship para sa Pinoy students, ikinasa
ISA ka bang batang estudyanteng Pilipino? Baka puwede ka rito: Libreng pag-aaral sa Singapore!
Napaulat kamakailan ang hinggil sa bagong bukas na ASEAN scholarship na ipinagkakaloob ng pamahalaan ng Singapore para sa mga estudyanteng Pilipino na nasa mula Grade 9 pataas.
Inihayag ng Singapore Ministry of Education na ang naturang scholarship ay valid sa loob ng apat na taon mula sa secondary 3 to Pre-University 2 hanggang sa Singapore-Cambridge GCE A-level certificate o ibang kahalintulad na kuwalipikasyon sa mga eskuwelahan sa Singapore.
Nire-renew ito taun-taon batay sa performance ng scholar sa eskuwelahan.
Sa isang ulat sa PhilStar at Philippine News Agency, ipinahayag ni Singapore Ambassador to the Philippines Constance See na ipinagkakaloob ang scholarship sa mga Pilipinong ipinanganak sa pagitan ng Enero 2, 2009 at Enero 1, 2012 ( o nasa pagitan ng 13 at 16 anyos sa kasalukuyan).
Kailangan din na ang aplikante ay kasalukuyang nasa Grade 9 o mas mataas pa dito, magaling sa Ingles, matataas ang mga marka sa mga school examinations at may magandang rekord sa co-curricular activities.
Nagsimula ang pagtanggap ng aplikasyon noong Enero 6 at matatapos hanggang Pebrero 21, 2025. Walang babayarang application fee.
Tumanggi si See na banggitin kung hanggang ilang estudyante ang tatanggapin sa scholarship dahil depende anya ito kung ilan ang makakasunod sa mga rekisitos.
Sinabi niya na noong taon 2023, ginawaran ng scholarship ng MOE ang 15 estudyante at noong 2024 ay 22 kabataang Pinoy. “Nagmula sila sa Luzon, Visayas at Mindanao. Umaasa kaming makakatanggap ng mga aplikasyon mula sa matatalino at karapatdapat na mga mag-aaral na Pilipino,” dagdag niya.
Makakapag-aplay sa pamamagitan ng website sa internet ng Ministry of Education ng Singapore na <https://tgs.moe.gov.sg>. Kailangang gumawa ng account sa website na ito ang interesadong mag-aaral para makapag-‘log in’ siya dito. Pasasabihan ang mga makakasama sa shortlist.
Sa Marso, ang mga shortlisted candidate ay sasabihan isang linggo bago ang isasagawang selection test na maaaring isagawa sa Maynila o Cebu. Isinasaad sa website ng MOE na saklaw ng test ang English at Mathematics.
Pagdating ng Abril, sasabihan ang mga shortlisted candidate isang linggo bago ang selection interview. Ang mga makakapasang aplikante ay sasabihan sa pamamagitan ng email sa Mayo. Inaasahang darating sila sa Singapore sa Nobyembre o pagkaraan ng anim na buwan.
Ang mga makakapasa sa scholarship ay pagkakalooban ng annual allowance at hostel accommodation, settling-in allowance, return economy airfare, school fees, examination fees for GCE O-Level and A-Level (once only, as applicable); at subsidized medical benefits.
Meron ding inilabas na gabay ang MOE para sa paga-aplay sa naturang scholarship. Para mabasa, buksan sa internet ang link na <https://www.moe.gov.sg/-/media/files/asean-scholarship/asean-scholarship-applicant-guide.pdf>.
-oooooo-
Email: [email protected]
- Latest