EDITORYAL - Pasok ng gov’t employees aagahan dahil sa trapik
SABI ng Metro Manila Development Authority (MMDA) imumungkahi nila na gawing 7:00 a.m hanggang 4:00 p.m. ang pasok ng mga empleyado ng gobyerno sa Metro Manila. Ito anila ang nakikitang solusyon sa lumalalang trapik particular sa EDSA. Kung aagahan anila ang pagpasok at pag-uwi ng mga empleyado ng gobyerno, mababawasan ang mabigat na daloy ng trapiko. Nasa kalahating milyon umano ang mga nagtatrabaho sa mga tanggapan ng gobyerno sa Metro Manila.
Ayon pa sa MMDA noong nakaraang Disyembre, nasa 464,000 ang mga sasakyang dumaraan sa EDSA. Dati ayon sa MMDA, 250,000 lamang ang mga sasakyang bumubuhos sa EDSA subalit ngayon ay nadoble na ito.
Sinabi naman ni President Ferdinand Marcos Jr nang interbyuhin kaugnay sa mungkahi ng MMDA na agahan ang pasok ng mga empleyado ng gobyerno, pag-aaralan ito kung pupuwede. Wala naman daw siyang nakikitang dahilan para sansalain ang mungkahi ng MMDA ukol dito. Kung kapaki-pakinabang daw ito ay bakit hindi subukan.
Problema na noon pa ang trapik sa Metro Manila pero ngayon ay mas lumubha pa. Kung kailan nagkaroon ng mga alternatibong daan at mayroon pang Skyway, at may sariling daan na ang bus sa EDSA, kataka-taka na lumala ang trapik.
Pangsiyam ang Metro Manila sa pinakamatrapik na siyudad sa buong mundo, batay sa TomTom’s Traffic Index na inilabas noong Enero 2024. Ang iba pang siyudad sa Southeast Asia na grabe ang trapik ay ang Jakarta, Indonesia; Bangkok, Thailand; Kuala Lumpur, Malaysia at Singapore.
Ang pagpapaaga sa pagpasok ng government employees ay hindi solusyon sa trapik. Kung aagahan ng pasok maaring makasabay din sa pagpasok ng mga nasa pribadong kompanya na ang oras ay 7:00 a.m. – 4:00 p.m. Marami nang private companies ang gumagawa nito noon pa.
Kaya walang magiging epekto ang mungkahi ng MMDA bagkus maaring lumala pa sapagkat magsasabay-sabay sa pagpasok at pag-uwi sa umaga. Parang ang nangyari, inilipat lang ang oras ng pagpasok at pag-uwi ng mga empleyado.
Pagsikapan na lang ng MMDA na isaayos ang trapiko at nang hindi magkabuhul-buhol. Ang nangyayari, nag-uumpukan ang mga MMDA traffic enforcers sa isang lugar at hindi naisasaayos ang trapik. Nangyayari ito sa Commonwealth Avenue at QC Memorial Circle. Kastiguhin na lang ng MMDA chief ang kanyang mga tauhan para hindi magkabuhul-buhol ang trapiko. Kung magiging maayos ang daloy ng trapiko at regular na nama-manage, hindi na kailangang baguhin ang oras ng pagpasok ng government employees.
- Latest