Ang gusali sa Ecuador na pinangangambahang magiba dahil sa kakaibang disenyo.
SA lungsod ng Machala, Ecuador, tanyag ang “El Inmortal,” isang gusaling kilala sa kakaibang disenyo at tibay nito sa kabila ng tila alanganing disenyo.
Sa loob ng mahigit tatlong dekada, nananatili itong nakatayo sa kabila ng malalakas na lindol, kabilang na ang isang 6.5 magnitude na pagyanig noong 2023.
Matatagpuan sa kanto ng Pichincha at Buenavista, ang gusali ay may makitid na ground floor at tatlong palapag na umuusli ng limang metro na walang haligi bilang suporta.
Kamakailan, matapos ang malakas na lindol, iniulat na bahagyang tumagilid ang gusali, kaya naglagay ng harang sa paligid nito para sa kaligtasan ng publiko.
Gayunman, tiniyak ng may-ari nito na si Willman Sanchez, na ligtas ito dahil idinisenyo ito ng batikang engineer na si Jorge Manzano, na dalubhasa sa matitibay na konstruksiyon.
Pinatawag ang mga eksperto mula sa Risk Management Secretariat upang suriin ang kondisyon ng gusali, at muling napatunayan ang matibay nitong pundasyon.
Sa kabila ng patuloy na spekulasyon kung kailan ito maaaring bumagsak, nananatili itong tahanan ng mga negosyo at apartment.
- Latest