Red No. 3: Pampakulay sa pagkain, nakaka-‘cancer’?
Nitong nagdaang Enero 15 ipinagbawal na ng Food and Administration sa United States ang pagsasangkap ng Red No. 3 na pampakulay sa iba’t ibang pagkain at inumin. Nagdudulot kasi ito ng kanser sa hayop bagaman wala pang matibay na katibayan na may kaugnayan sa Red No. 3 na kilala rin sa tawag na erythrosine ang kanser na tumatama sa tao. Sinasabi ring nagkakaroon ng attention at memory issue ang mga bata na nakakakain o nakakainom ng mga candy at ibang pagkain, fruit juice at softdrink na merong sangkap na erythrosine.
Bagaman napaulat na ang pagbabawal ay ipinapatupad sa mga pagkain at pagkain sa U.S., matagal nang hinihigpitan ang erythosine sa China, United Kingdom, at ipinagbabawal sa Japan, Australia at New Zealand. Habang isinusulat ito, wala pa akong kabatiran kung bawal na rin ang Red No. 3 sa Pilipinas. Bago pa nagkaroon ng opisyal na patakaran ang FDA, ilang kumpanya na ang nagsimulang itigil ang pagsasangkap ng Red No. 3 sa kanilang mga produktong pagkain at inumin pero natuklasan naman na nakikita pa rin ang ganitong sangkap sa mga fruit juice, beef jerky, sodas at sa ilang over-the-counter medications.
Batay sa listahan ng Center for Science in Public Interest, FDA at ng dietician na si Amanda Beaver na napaulat sa Today.com, kabilang sa mga pagkaing may sangkap ang candies, cakes, cupcakes, frozen desserts tulad ng ice pops at ice creams with strawberry flavoring; frostings, Maraschino cherries, fruit cocktails, colored beverages gaya ng softdrink at fruit juice; protein shakes, vegetarian meats, bacon bits, sausages, strawberry milk at puddings.
Gayunman, mahalagang maisip na hindi naman lahat ng item sa nabanggit na mga kategorya ay nagtataglay ng Red No. 3 kaya nga hinihikayat ng CSPI ang mga konsyumer na basahin ang mga label ng pagkain o inumin bago ito bilhin at kainin o inumin. Dapat nakasulat sa label ng pagkain o inumin ang Red No. 3 kung kabilang ito sa mga ginamit na sangkap.
Kaso, hindi naman lahat ng pagkain at inumin ay merong nakalagay na label. Lalo na dito sa atin sa Pilipinas. Makakakita ka ng mga pagkain at inumin na walang label sa mga maliliit na tindahan sa mga looban ng mga barangay, sa mga ordinaryong palengke, sa mga bangketa, sa mga paligid ng mga eskuwelahan, at iba pa. Maaari namang tanungin ang mga nagtitinda pero kadalasang wala silang kamalayan o kaalaman kung meron bang Red No. 3 o kung ano ang mga sangkap ng kanilang mga paninda.
Nabatid na noong 1907 unang isinasangkap sa mga pagkain at inumin ang kemikal na erythrosine at idinadagdag ito ng mga kompanya para mas mapaganda at kaakit-akit ang kanilang mga produkto tulad ng mga ice cream at candies na inilalako sa mga bata. Noong 1980, nagsimulang magkaroon ng mga panawagan na tanggalin o itigil na ang pagsasangkap ng Red No. 3 nang lumabas sa mga pananaliksik na nakakakanser ito sa mga daga. Wala namang linaw kung magkaugnay ang erythrosine at ang kanser na dumadapo sa mga tao pero isinusulong pa rin ng mga consumer advocacy group na ipagbawal ito.
•••••
Email: [email protected]
- Latest