^

Punto Mo

Text scam patuloy sa pagdami

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon Bernardo - Pang-masa

Noong 2024, umabot sa anim na milyong text scam at 600 libong call scam ang natanggap ng mga Pilipino at patuloy sa pagdami ang mga ganitong panloloko.

Ito ang nabatid kamakailan sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) at sa Trust-tech firm na Gogolook. Pinagbasihan nito ang mga datos na nakolekta sa pamamagitan ng Whoscall mobile app ng Gogolook.

Ano ang ibig sabihin nito? Wala bang silbi iyong batas na ipinatupad mula noong 2022 na nag-oobliga sa lahat ng gumagamit ng cell phone na irehistro ang kanilang SIM (Subscriber Identity Module) card?

Dahil karaniwan sa mga cell phone o smartphone ngayon ay nakakapagbukas ng internet, ang mga mapanganib na “link” ay pinapaklik sa mga biktima para makapagrehistro sila sa mga online services, promotions, insurance, game memberships, financial services, loans, rewards, online shopping scam, kahinahinalang payment request at mga panloloko sa paghahanap ng trabaho.

Gayunman, ayon kay CICC Executive Director Undersecretary Alexander Ramos, pinagbabawal sa mga Telcos at ibang financial technology companies na ipadala ang anumang mga mensaheng naglalaman ng mga links o ibang attachment.

Bukod sa paggamit ng mga pekeng cell tower na direktang nagpapadala ng mga text ng mga scammer sa mga cellphone ng mga tao, nagagamit din ng mga scammer ang social media.

Ayon pa kay Ramos, ang mga text scammer ay nagpapanggap na mga SMS channel ng mga Telcos, e-wallet, digital banks, at iba pang brands sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga message na merong mga malisyosong mga link.

Dahil nga ang mga cell phone ngayon ay karaniwang nakakakonekta sa internet, madali nang mabuksan ang anumang “link” sa mga natatanggap na text message. Kung hindi mag-iingat ang mga nakakatanggap ng ganitong link at kanya itong ikiklik, manganganib na manakaw ng mga scammer ang pera sa kanyang banko o sa kanyang digital wallet.

Madaling makukuha ng mga scammer ang anumang mga mapapakinabangan nitong mga detalye hinggil sa biktima.

May dalawang taon nang naipapatupad ang SIM card registration act pero meron pa ring mga Pinoy na nakatatanggap ng mga text scam.  Maaaring madali nang malaman ang identidad ng mga nagpapadala ng text scam pero marami pa ring nakalulusot.

Kunsabagay, marami nang mga batas laban sa iba’t ibang klase ng mga krimen pero patuloy pa ring may mga nagaganap na krimen. Naiiba pa ba rito ang batas sa SIM CARD registration?

Kaya nga, tulad sa ibang mga krimen, mahigpit na pinag-iingat ang mga gumagamit ng mga cellphone sa mga text scam. Huwag maging kampante. Kung nag-iingat ka laban sa mga magnanakaw, holdaper, mandurugas, karahasan at iba pa, kailangan ding mag-ingat sa mga nanloloko sa tulong ng cell phone.

Hindi naman nagkulang sa paalala at babala ang pamahalaan o ang ibang mga awtoridad at eksperto sa publiko na mag-ingat laban sa mga text o call scam.

Karaniwan sa mga ipinapayo na huwag sasagutin ang mga kahina-hinalang text; huwag iklik ang mga internet link na laman ng text message; iwasang magbigay ng mga sensitibong impormasyon tulad ng pangalan, address, bank account, credit card number, password at iba pa; i-block ang number ng nagpadala ng text scam; at ireport ito sa mga awtoridad.

Kahit pamilyar ka sa pangalan ng tumatawag o nagtetext, kumpirmahin muna kung totoo ito o hindi bago maniwala at pumatol.

-ooooo-

Email: [email protected]

PANDAYAN

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with