^

Punto Mo

Puwede bang ireklamo ang employer kahit nagpasa ng resignation letter?

DEAR ATTORNEY - Atty. Aeron Aldrich B. Halos - Pang-masa

Dear Attorney,

Puwede pa rin ba akong magsampa ng kasong illegal dismissal kung nagpasa ako ng resignation letter? —Andy

Dear Andy,

Wala namang makapipigil sa iyo na magsampa ng kaso dahil karapatan mo iyan. Ang mas mainam na tanong ay kung may sapat ka bang basehan para magsampa ng illegal dismissal kahit na nagpasa ka ng resignation letter.

Wala kang inilahad na mga detalye ukol sa sitwasyon mo pero bilang nagrereklamo sa isang illegal dismissal case, dapat munang mapatunayan na na-dismiss o natanggal sa trabaho ang empleyado.

Kaya maaaring hindi maging pabor sa kaso mo ang ginawa mong pagpapasa ng resignation letter, lalo na kung lumalabas na boluntaryo naman at bunsod talaga ng kagustuhan mo na umalis sa trabaho ang dahilan ng pagpapasa mo nito.

Kung mapapatunayan mo naman na ang pagpapasa mo ng resignation letter ay hindi boluntaryo at ginawa mo lamang ito dahil inutusan ka o kaya’y dulot ng panggigipit sa iyo sa trabaho, ay maaring matawag na constructive dismissal ang nangyari sa sitwasyon mo.

Hindi dapat maging balakid sa kaso mo ang pagbibigay mo ng resignation letter pero dapat ay may malinaw kang ebidensya na napilitan ka lamang na magbitiw sa trabaho.

Kung wala kasing pruweba ng panggigpit sa empleyado ay malaki ang tsansa na employer ang kampihan ng korte. Sa kaso ng Panasonic v. Peckson (G.R. No. 206316, 20 March 2019), kinatigan ng Korte Suprema ang employer matapos itong ireklamo ng dati nitong empleyado ng constructive dismissal.

Ayon sa Korte Suprema, hindi kakikitaan ng muhi o galit ang mga resignation letters ng empleyado. Ang mga kilos niya rin matapos niyang mag-resign, katulad ng pagbibigay niya ng iba’t ibang dahilan sa kanyang pagbibitiw nang siya ay tanungin sa kanyang exit interview, ay nagpapakita na hindi talaga siya napilitang umalis sa trabaho.

Hindi rin basta-basta ipagpapalagay na may constructive dismissal kung ang empleyado ay inalok ng resignation at tinanggap niya ito. Makikita sa kaso ng Central Azucarera de Bais, et al. v Siason (GR No. 215555, 29 July 2015) na may mga pagkakataong hindi illegal ang pag-aalok ng resignation dahil minsan ay ginagawa  lamang ito ng employer upang makaiwas ang empleyado sa posibleng kahihiyan mula sa pagkakatanggal sa trabaho.

Kaya kung ikaw ay magsasampa ng reklamo base sa constructive dismissal, siguraduhin mo na may sapat kang pruweba para mapatunayan na  napilitan ka lamang na mag-resign.

Pinakainam kung may ebidensya kang nagpapakita na hindi boluntaryo ang ginawa mong pagpapasa ng resignation letter at ang tanging dahilan nito ay ang mga naging aksyon ng iyong employer.

ANDY

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with