Ang kabayaran saninakaw na amoy
SA isang maliit na bayan, may isang lalaking nagmamay-ari ng panaderya. Nag-iisa lang ang panaderya kaya ang lahat ng tao sa bayang iyon ay sa kanya bumibili.
Ang lalaking panadero ay yumaman dahil sa mabili ang kanyang mga tinapay. Ngunit sa kabila ng mga grasyang tinatamasa niya, ang panadero ay lalong naging mayabang at maramot.
Kahit ang mga lumang tinapay na hinihingi ng mga pulubi ay ayaw niyang ipamigay.
Ang panaderong mayaman ay may kapitbahay na lalaking mahirap. Ang tanging ikinabubuhay ng lalaki ay pagwawalis ng kalsada.
Tuwing umaga ay naaamoy ang bango ng tinapay na inihuhurno sa panaderya.
Minsan, nasulyapan ng panadero na nag-aalmusal ng kape lamang ang lalaking mahirap. Sinisinghot nito ang mabangong amoy ng tinapay at saka lalagok ng kapeng mainit. Tumagal iyon ng 30 minuto.
Sa loob ng isang linggo ay sinubaybayan tuwing umaga ng panadero ang pag-aalmusal ng lalaking mahirap. Kape at amoy ng masarap na tinapay ang inaalmusal nito.
Isang araw ay pinuntahan ng panadero ang lalaking mahirap sa kanilang bahay.
“Sinisingil na kita sa mga ninakaw mong amoy ng aking tinapay,” sabi ng panadero.
“Hindi ko maintindihan ang pinagsasasabi mo?”
“Di ba ang lagi mong inaalmusal ay kape habang sinisinghot mo ang amoy ng tinapay na nagmumula sa aking panaderya?”
“Oo inaamin ko. Mabango kasi ang amoy. Wala akong ibibili ng tinapay kaya nakukuntento na lang ako na samyuin ang masarap na amoy nito.”
“Kung ganun, dapat mo akong bayaran ng limang gold coins sa mga amoy na ninakaw mo. Kung hindi dahil sa mga tinapay na niluluto ko, wala kang masisinghot na amoy ng tinapay.”
(Itutuloy)
- Latest