Mayang (110)
MULING naupo sa sahig na kawayan si Lolo Nado hawak ang supot na kulay pula.
Nakatingin si Mayang sa matanda. Nasasabik sa laman ng supot.
“Narito sa supot ang mga iniingatan kong medalyon at iba pang gamit na pamprotekta. Matagal ko nang hawak ang mga ito. Nagpasalin-salin na ito mula pa sa ama ng aking ama. Kapag ako’y dumating na sa takdang oras, ipapasa ko naman ito sa iba. Pero dahil wala akong anak na mapagpapasahan, maaring sa iyo at kay Jeff ko ito ipagkaloob. Ito ay kung maluwag sa kalooban ninyo. Hindi rin kasi basta-basta na ipagkakaloob ito. Dapat ang tatanggap ay may malasakit na ingatan ito. Kapag naipasa ito sa mga taong walang malasakit, dito na nagtatapos ang bisa ng agimat—hanggang sa tuluyan nang maglaho.’’
“Tatanggapin ko po ang ipagkakaloob mo, Lolo Nado—ay palagay ko rin po, ganyan din ang isasagot ni Jeff. Siya nga po ang nagsabi sa akin na mayroon kang iniingatan. Ikaw daw po ang makakatulong sa akin sa problema.’’
“Nabanggit ko kay Jeff ang tungkol dito nang huli kaming mag-usap—nung hinahanap ka niya. Sabi ko, meron akong iniingatan na mabisang proteksiyon. Naikuwento kasi niya ang pinagdaanan sa dalawang tao na mistulang kumidnap sa kanya para makuha ang kanyang pera. Kung naipagkaloob ko sa kanya ang mga iniingatan kong ito, baka hindi nagawa sa kanya ng dalawang tao na iyon ang pagpapahirap sa kanya.’’
“Suspetsa po ni Jeff ang mga taong nakita kong aali-aligid sa palengke ay mga hired killer na inutusan ni Puri at ka-live-in na si Henry. Ako ang gagantihan nila dahil naipakulong sila dahil kay Jeff.’’
“Totoo bang si Puri ay naging kaibigan mo?’’
“Hindi ko po masasabing kaibigan siya Lolo. Nung nasa ibang bansa po kami ay kaming dalawa ang laging nagkukuwentuhan. Pinagsisisihan ko na nakipaglapit sa kanya.’’
“Palagay ko nga ay sila ang nasa likod ng mga pagtatangka sa iyo.’’
“May tao pong aali-aligid sa aming bahay. Sa gabi, may nagtatangkang buksan ang gate. Pinag-aaralan kung paano makakapasok.’’
Nag-isip si Lolo Nado.
“Tamang-tama. Mayroon ako rito na isasabit mo sa gate o sa pintuan sa unahan at likod ng bahay para hindi makapasok,’’ sabi ng matanda.
“Yan po ang kailangan ko Lolo Nado.’’
Binuksan ni Lolo Nado ang supot na pula. Nananabik si Mayang sa laman ng supot.
(Itutuloy)
- Latest