‘Ahas’
(PART 3)
INIHATID ako sa bahay ng mabait na magsasaka na nalaman kong ang pangalan ay si Mang Domeng.
Nang dumating kami sa bahay ay nangangatal pa ako sa takot. Hindi mawala sa isipan ko ang madulas na katawan ng ahas na aking natapakan sa damuhan.
“Nanginginig po siya kanina makaraang matapakan ang ahas,’’ sabi ni Mang Domeng kay Nanay. “Kitang-kita ko po ang pag-iktad niya! Kaya nagmamadali akong lumapit at tinanong siya. Hindi ko nga agad makausap dahil takot na takot,’’ sabi ng mabait na si Mang Domeng.
“Maraming salamat po sa iyo, Mang Domeng,’’ sabi ni Nanay.
“Sige po at aalis na ako.’’
“Salamat po uli.’’
“Sabihin mo po sa iyong anak na huwag daraan dun.’’
“Opo Mang Domeng.”
Nang makaalis si Mang Domeng pinangaralan ako ni Nanay.
“Huwag ka nang daraan dun. At saka kapag may nagyaya uli sa iyo sa bahay nila, mag-ingat ka sa pagtapak sa damuhan. Mabuti at hindi ka kinagat.’’
“Nakaiktad nga po ako nang malayo.’’
“Sige magbihis ka na at kakain na.’’
“Opo.’’
Mula noon, nagkaroon na ako ng takot sa ahas.
(Itutuloy)
- Latest