Sa matuwid na pangangasiwa, mabubura ang ‘tamang hinala’!
HINDI pa rin humuhupa ang baha sa maraming lugar sa Bicol at nakaamba naman ang paglikas ng mga residente sa mga bayan na nakapaligid sa Kanlaon volcano na nagbabadya na namang sumabog.
Malawak na pataniman ng palay at gulay ang nasalanta at patuloy na naghihikahos ang mga pamilya ng magsasaka dahil dito. Marami na ang tumigil sa pag-aaral at patuloy pa rin ang paglaganap ng sakit na dulot ng walang humpay na kalamidad.
Habang patuloy na pinagtatalakayan ang bilyones na pondo ng bayan sa Kongreso at Senado na gagamitin sa Tulong Panghanapbuhay sa Disadvantage (TUPAD) na mga trabahante, Assistance to Individuals In Crisis (AICS) at Ayuda para sa Kinakapos Ang Kinikita Program (AKAP), isinasabay naman ang pag-oorganisa ng mga nakaupong pulitiko para sa kanilang makinarya sa pulitika.
Malisyoso nga di ba?
Magiging ugat talaga ng malalim na intriga sa pananaw ng mamamayan ang paglalatag ng tripleng ayuda program kahit ito’y pangangasiwaan ng DSWD at DOLE dahil sa nalalapit na eleksiyon.
May impluwensiya pa rin naman kasing kokonekta rito ang mga pulitiko. Posible naman talagang magamit sa pamumulitika!
Nasa mga local elected officials ang timon ng mga kongresista sa pamamahagi ng ayuda. Mga barangay officials naman ang promotor sa paglilista ng dabarkads at lider kuno na malamang na kamag-anak pa. Totoo po ‘yan!
Maari lamang maniwala ang mamamayan kung ang pangangasiwa sa pagkakakilanlan ng mga benipisyaryo ng tripleng programang nakalatag na ay lalahukan ng civic oriented organizations, halimbawa rito ang volunteers mula sa Rotary Clubs, Lions Clubs, Church Organizations at mga NGO’s. Try it!
Magbubukas ng lalong pagtitiwala ang mamamayan sa mga programa ng gobyerno hinggil sa pamamahagi ng tulong sa mahihirap kung makikilahok ang mga respetadong organisasyon sa administrasyon ni Pres. Bongbong Marcos sa pagsala sa kuwalipikadong benipisyaryo.
Masosopla ang “tamang hinala”!
- Latest