Mga ‘dinosaur’ nagtipun-tipon sa isang museum para sa Guinness World Record!
ISANG museo sa Florida ang matagumpay na nakapagtala ng bagong Guinness World Record matapos mapagtipun-tipon nila ang 468 katao na nakasuot ng dinosaur costume!
Sa pakikipagtulungan ng Cox Science Center and Aquarium at ng lungsod ng West Palm Beach, naganap ang kakaibang pagtitipon sa event na “Screen on the Green” sa West Palm Beach.
Layunin nilang talunin ang dating record ng 252 kataong naka-dinosaur costume na naitala sa Los Angeles noong 2019.
Kinumpirma ng opisyal mula sa Guinness World Records na nalagpasan ng West Palm Beach ang naunang tala ng Los Angeles sa pamamagitan ng aktibong partisipasyon ng 468 participants.
Ipinahayag ng museo ang kanilang tagumpay sa social media matapos silang mag-post ng: “NAGTAGUMPAY TAYO! Lubos ang aming pasasalamat sa lahat ng tumulong upang maisakatuparan ito, lalo na sa lungsod ng West Palm Beach at bawat isa sa inyo na naging bahagi ng world record event. Hindi namin magagawa ito nang wala kayo!”
Ang makulay na pagtitipon na ito ay nagbigay-daan hindi lamang sa bagong record kundi pati na rin sa pagbibigay saya at inspirasyon sa komunidad.
- Latest