Paniniwalang dapat nang itapon
MAY mga kinagisnang paniniwala, kaugalian o tradisyon na dapat nang itapon sa harap ng makabagong panahon. Isa na rito ang pagpapaputok na naimbento ng isang Chinese Monk noong ikalawang siglo sa Liuyang, China. Pinaniniwalaan na ang malakas na paputok ay nagtataboy ng masamang espiritu at nagdadala ng suwerte at kaligayahan.
Totoo bang natatakot ang masamang espiritu sa malakas na paputok? Wala itong basehan. Ang alam ko lang na takot sa malakas na putok ay ang mga aso. Ang puwede lang magtaboy sa masamang espiritu ay espiritu rin, walang iba kundi ang Espiritu Santo.
Hindi masamang espiritu ang naitataboy ng mga paputok, kundi ang malinis na hangin. Pinapalala ng paputok ang polusyon ng hangin na sumisira sa baga, puso at pandinig.
Nagdadala ba ng suwerte at kaligayahan ang paputok? Tanungin mo ‘yong naputulan ng mga daliri, o nasunugan, o nabingi, o namatayan dahil sa pagpapaputok. Suwerte ba ang dumating sa mga ito o kamalasan? Kaligayahan ba o kalungkutan?
Obvious naman ang sagot, kamalasan at kalungkutan ang dulot ng paputok sa mga taong napinsala nito. Lahat ng nagpapaputok ay hindi nagkakapera, kundi nawawalan ng pera dahil sa kamahalan ng paputok. Ang mga may-ari lang ng mga pagawaan ng paputok ang nagkakapera dahil sa paputok.
Dahil sa makabagong teknolohiya, maaari nang ma-enjoy ng mga tao ang thrill na idinudulot ng paputok at pailaw nang hindi kinakailangang magpaputok at magpailaw. Halimbawa na lamang ay ang paggamit ng mga drones at iba pang teknolohiya na lumilikha ng kamangha-manghang mga ilaw at tunog na hindi nakapipinsala sa tao at sa kalikasan.
Higit sa lahat, hindi dapat isinasalig ng tao ang tagumpay niya sa buhay sa suwerte, feng shui, guhit ng palad, hula at horoscope. Ang pagtatagumpay sa buhay ay hindi dahil sa suwerte, ito’y bunga ng pagtitiyaga, pagsisikap, pagpapagod, at pagpapala ng Diyos.
Ang gobyerno ang dapat kumilos upang tuluyan nang maipagbawal ang pagpapaputok na ang nagagawang pinsala ay higit na marami kaysa nagagawang buti, kung mayroon man.
Naipagbawal na ang paputok sa Singapore, kung saan halos 80 porsiyento ng mga tao’y may lahing Chinese, dahil sa determinasyon ng mga lider nito. Sana’y magkaroon din ng ganitong determinasyon ang ating mga lider upang tuluyan nang maipagbawal ang pagpapaputok sa Pilipinas.
Sa puntong ito’y hinahangaan ko ang mga Duterte, sapagkat sa Davao City ay naipagbawal nila ang pagpapaputok. Para maipagbawal sa buong Pilipinas, sana’y magpasa ang Kongreso ng batas na tuluyan nang magbabawal sa paggawa at pagbebenta ng mga paputok.
Sana’y maabutan ko pa ang isang panahon na sasalubungin nating mga Pilipino ang isang bagong taon nang hindi sa pamamagitan ng pagpapaputok, kundi sa pamamagitan ng ligtas at makabuluhang kaparaanan.
Bago na ang panahon. Marami ng pamamaraan ng pagsasaya na hindi nakapipinsala sa tao at sa kailkasan. Tayo’y isang bansang Kristiyano, dapat sana’y sinasalubong natin ang isang bagong taon sa pamamagitan ng Kristiyanong pamamaraan na tulad ng pagpapasalamat sa Diyos sa Kanyang kabutihan, pakikipagkasundo sa mga kagalit, at pagpapatawad sa mga nagkasala sa atin.
Kapag nangyari ito, matutupad ang lagi nating sinasabi sa tuwing magpapalit ang taon, “Bagong taon, bagong buhay.” Magbago tayo sa pamamagitan ng pagtatapon sa mga paniniwalang hindi tama.
- Latest