Mayang (96)
“HINDI ka na namin pipilitin na tumira sa amin sa bayan, Lolo Nado,’’ sabi ni Mayang makaraang yakapin ang matanda.
“Nauunawaan ka na namin ni Jeff. Napakadakila ng pag-ibig mo kay Lola Encar.’’
“Oo nga po Lolo Nado. Mahal na mahal mo talaga si Lola.’’
Napangiti nang napakatamis ni Lolo Nado.
“Talagang mahal na mahal ko siya. Hindi kayo maniniwala, sa loob ng animnapung taon na pagsasama namin ni Encar ay hindi kami nagkahiwalay o nagkalayo man lang. Kung nasaan siya ay naroon din ako. Nagkaroon kami ng sumpaan noong bagong kasal pa lang kami na huwag kaming hihiwalay sa isa’t isa.’’
“Talaga po Lolo. Kahit po sa pagtatrabaho sa bukid ay hindi kayo nagkakahiwalay?’’
“Oo. Kapag nag-aararo ako sa bukid ay naroon din siya at nagtatanim ng mga gulay. Kapag nagtatabas ako ng damo sa pilapil ay naroon din siya at nag-aalis ng mga insekto sa tanim niyang gulay.
“Kapag uuwi na kami sa hapon ay magkahawak ang aming mga kamay habang naglalakad. Masayang-masaya kami.
“Kapag araw ng Linggo naman ay hindi namin nakakalimutan na magsimba. Sabi niya minsan sa akin, kung sino raw ang mauunang mamatay sa amin ay huwag makakalimot na dalawin ang puntod.
“Nangako ako sa kanya na hindi makakalimot at ganundin naman siya. Kaya ngayong nauna siyang namatay, hindi ako nakalilimot.’’
Napangiti sina Mayang at Jeff. Humanga sila sa tapat at wagas na pag-iibigan nina Lolo Nado at Lola Encar.
“Lagi ka naming dadalawin dito, Lolo,’’ sabi ni Mayang.
“Hindi ka naming malilimutan,’’ sabi naman ni Jeff.
Kumuha ng pera si Jeff sa kanyang pitaka at iniabot sa matanda.
Nagpasalamat si Lolo Nado.
“Mag-iingat ka pong lagi, Lolo,’’ sabi ni Jeff at nagmano.
Ganundin si Mayang.
Nagpaalam na ang dalawa sa matanda.
Itutuloy)
- Latest