EDITORYAL — Mga pulis ‘boga’ dapat bantayan
WALA pang inihahayag si PNP chief General Rommel Marbil kung babalutan ng tape ang baril ng mga pulis. Noong nakaraang taon, maagang inihayag ng PNP ang paglalagay ng tape sa bunganga ng baril. Dapat maaga pa lamang, inihahayag na ito para malaman ng mga pulis ang kanilang kasasapitan sa sandaling magpaputok ng baril. Taun-taon, nilalagyan ng masking tape ang nozzle ng mga baril para makatiyak na hindi ito gagamitin.
Noong nakaraang taon, sa kasagsagan ng pagsalubong sa 2024, tatlong pulis ang nagpaputok ng baril. Ito ay sa kabila na mahigpit ang babala na huwag magpapaputok ng baril. Sinibak na sa serbisyo ang mga pulis.
Tatlo naman ang tinamaan ng ligaw na bala at isa ang namatay sa pagsalubong ng New Year 2024. Nangyari ang mga insidente sa Sta. Maria, Bulacan, Baguio City at Mariveles, Bataan. Ang namatay ay nakatayo umano ang biktima sa veranda ng kanyang bahay nang biglang bumagsak. Nang daluhan ng mga kasama, duguan at may tama sa tagiliran. Hindi malaman kung ang balang tumama ay mula sa baril ng pulis o sundalo. Noong nakaraang taon pa rin, nakapagtala ang PNP ng 13 kaso ng insidente ng illegal discharge of firearms.
Marami na ang namatay dahil sa indiscriminate firing at karamihan sa mga ito ay bata. Halimbawa ay si Stephanie Nicole Ella, 7, ng Caloocan City na tinamaan ng bala noong Enero 1, 2013 habang nanonood ng fireworks malapit sa kanilang bahay. Masayang nanonood si Stephanie Nicole, kasama ang kanyang mga pinsan ng mga sinindihang pailaw nang bigla itong bumagsak. Dumudugo ang ulo. Dinala siya sa ospital pero makalipas ang isang araw namatay ito. Hindi na nahuli ang suspek na umano’y isang pulis.
Ganito rin ang nangyari kay Emilyn Villanueva Calano, 15, ng Malabon City noong Enero 2017. Nanonood din si Emilyn ng fireworks nang tamaan ng ligaw na bala sa ulo. Namatay si Emily. Hindi naaresto ang suspek hanggang sa kasalukuyan.
Taun-taon, nagbababala ang PNP sa mga miyembro nilang trigger happy. Pero sa kabila niyan, marami pa ring lumalabag. Kapag nalasing, walang habas na magpapaputok. Bantayan ang mga pulis na “utak pulbura” upang maiwasan ang pagkamatay ng mga inosenteng mamamayan. Hulihin at panagutin ang mga pulis na “makati” ang daliri sa gatilyo. Nararapat ding magpasa ng batas na magpaparusa nang mabigat sa mga trigger happy na pulis.
Hindi dapat hayaan na mayroon na namang mga bata na mamatay dahil sa walang habas na pamamaril. Mga bata ang nabibiktima dahil nanonood sila ng pailaw sa kalye. Bantayan ang mga “pulis boga”.
- Latest