Naghahanap ng trabaho target ng mga scammer (Part 1)
Babala ito sa mga naghahanap ng trabaho gamit ang kanilang smartphone.
Kailangan ang pag-iingat saan ka man naghahanap ng trabaho, dito man sa Pilipinas o sa ibang bansa lalo na kung ginagawa mo ito sa pamamagitan ng iyong android na cellphone.
Isiniwalat ng mga security researcher ang isang sopistikadong phising campaign ng mga manloloko na ang target ay ang cellphone ng mga naghahanap ng trabaho.
Layunin dito ng mga scammer na malagyan ang mga cellphone na ito ng mapanganib na malisyosong software na isang klase ng Antidot banking trojan na tinatawag na AppLite Banker.
Sinasabi ng mga eksperto na lubhang mapanganib ang AppLite banking trojam dahil sa abilidad nitong makapagnakaw ng mga credential mula sa mga critical applications tulad ng sa pagbabanko at cryptocurrency.
Isang senior fellow ng Sectigo, isang certificate lifecycle management provider sa Scottsdale, Arizona, United States na si Jason Soroko ay nagsabi na mahalaga sa mga naghahanap ng trabaho na maging alerto sa mga unsolicited job offers at beripikahin kung lehitimo ang mga ‘link’ na natatanggap bago ito iklik.
Sa isang ulat sa TechnoWorld, sinabi ni James McQuiggan, isang security awareness advocate sa KnowBe4, isang security awareness training provider sa Clearwater, Florida (U.S.A.), na kung hindi magiging maingat, hindi mamamalayan ng mga biktima na nahahayaan nilang makapasok sa kanilang cell phone ang naturang trojan na unang natuklasan ng Zimperium zLabs.
Isa ring researcher ang naglarawan na ang taktika ng scammer ay tulad sa pagkatay ng baboy. Unti-unti munang tinutukso ng scammer ang biktima bago ito atakihin.
Nagkukunwari itong job recruiter o HR representatives mula sa isang kilalang organisasyon. Hinihikayat ang biktima na sumagot sa mga mapanlokong email, magagandang job offer na aakalin mong totoo o tumugon sa hinihinging dagdag na impormasyon.
(Itutuloy)
-oooooo-
Email: [email protected]
- Latest