EDITORYAL — Daming nagbebenta ng illegal na paputok

TALAMAK ang bentahan ng mga illegal na paputok­, taliwas sa sinasabi ng Philippine Nagtional Police (PNP) na nabawasan na ito at marami na silang nahuli. Maraming nabibiling piccolo, Judas belt, kuwitis, superbawang, Yolanda at iba pang paputok na pinagbabawal.

Maski sa online talamak ang bentahan. Mabilis kasi ang transaksiyon sa online. Pipindot lang at makalipas ang isang oras o wala pa, idedeliber na ang mga inorder na paputok. Iba’t ibang klase ng paputok ang maaring orderin online. Yung mga ipinagbabawal na paputok ang inoorder online. Habang papalapit ang New Year, parami nang parami ang bentahan ng paputok online at dapat namang maging mapagmatyag ang Philippine National Police (PNP). Kung hindi masasawata ang bentahan ng paputok online, posibleng maraming maputukan at maputulan ng kamay, daliri at mabulag habang nagpapalit ang taon.

Dahil mabilis ang transaksiyon online, tiyak na bawat bahay ay may inorder na paputok. At ang resulta, madugong selebrasyon. Habang ang iba ay nagseselebra at sama-samang kumakain sa hapag, marami naman ang nagkukumahog para isugod sa ospital ang kaanak na naputukan ng Judas Belt at bawang. Sasalubungin ang 2025 na putol ang kamay o bulag ang mga mata dahil sa malakas na paputok na inorder on line.

Sinabi naman ng mga legal na manufacturer ng paputok sa Bulacan, na bumabaha sa mga lokal na pamilihan ang mga illegal na paputok. Sabi ni Joven Ong, president ng Philippine Fireworks Association na dumadagsa ang mga illegal na paputok at delikado ito sapagkat hindi dumaan sa quality control ang mga paputok. Sabi ni Ong, nararapat kumilos ang DTI para mahuli ang nagbebenta ng mga paputok.

Dapat kalampagin pa ang PNP para salakayin ang mga tindahang nagbebenta ng mga illegal na paputok. Huwag tantanan ang mga ito at siguruhin na ang mga nakukumpiskang paputok ay nasa isang ligtas na lugar. Marami nang pangyayari na nasunog ang imbakan ng mga nakumpiskang paputok.

Nangako naman si PNP-Civil Security Group (CSG) director Maj. Gen. Leo “Paco” Francisco na magsa­sagawa sila ng mga pagsalakay sa mga illegal na tinda­han ng paputok at pati na rin ang mga nagbebenta online ng bawal na firecrackers.

Paigtingin ng PNP ang paghuli sa mga illegal na gumagawa ng paputok upang matiyak ang kaligtasan ng mamamayan sa pagpasok ng 2025.

Show comments