MAHIGPIT na niyakap at pinupog ng halik ni Jeff ang batang si Jeffmari.
“Ako ang daddy mo, Jeffmari! Mahal na mahal kita, anak!’’
“Daddy!’’
“Ang guwapo mo anak!’’
“Sabi po ni Mommy, kamukha mo ako!’’
“Oo Jeffmari, magkamukha nga tayo!’’
“Bakit ngayon ka lang po dumating? Matagal ka na po naming hinihintay ni Mommy.’’
“Hindi na ako aalis. Magkakasama na tayong tatlo.”
“Totoo Daddy?’’
“Oo!’’
Yumakap si Jeffmari kay Jeff.
Hindi naman maipaliwanag ang nadamang kasiyahan ni Jeff. Sa buong buhay niya, ngayon lang siya nakadama ng sobrang saya. Hindi niya malilimutan ang araw na ito. Pinaka-memorableng araw sa buhay niya.
Maya-maya, hinawakan ni Jeffmari ang kanang kamay ng kanyang daddy at hinila siya palapit kay Mayang na nakaupo sa katapat na sopa.
Inilagay ng bata ang kamay ng ama sa kandungan ni Mayang.
“Daddy, kiss mo si Mommy please,’’ sabi ni Jeffmari.
Walang inaksayang oras si Jeff at hinalikan sa lips si Mayang. Hindi umiwas si Mayang at hinayaang halikan siya ni Jeff.
“Mahal na mahal kita Mayang,’’ sabi ni Jeff.
Napatango si Mayang at kasunod ay ang pagluha nito. Nag-unahan sa dalawang pisngi ang luha nito.
At saka yumakap kay Jeff.
“I love you, Jeff! Mahal na mahal din kita!’’ sabi nito at sumubsob sa dibdib ni Jeff.
Napapalakpak si Jeffmari makaraan iyon.
Pakiramdam ni Jeff, nagdiriwang ang kalooban ng anak dahil sa kanilang pagsasama-sama. Nabuo na ang kanilang pamilya.
“Totoo ba ang sinabi mo kay Jeffmari na hindi ka na aalis—hindi ka na magtutungo sa New Zealand?’’
“Pupunta ako roon para maghain ng resignation at kunin ang aking separation pay. Pagkatapos, balik na ako rito. Hindi na ako lalayo sa inyong dalawa. Babawiin ko ang pitong taon na magkahiwalay tayo.’’
Muli, umiyak si Mayang—iyak ng kaligayahan! (Itutuloy)