^

Punto Mo

Perang pamasko: Dapat bang cash o digital na?

PANDAYAN - Ramon Bernardo - Pang-masa

Isa sa mga naging kaugaliang nakasanayan nang mara­ming Pilipino tuwing Pasko ang pagggamit ng angpao na ­pinaglalagyan ng pera para sa kanilang reregaluhan.. Wala namang itinatakdang halaga na dapat ilagay sa angpao pero sinasabing ang mas mahalaga rito ay ang paggamit ng ganitong pulang envelope na sinasabing makapagdudulot ng suwerte, lakas at kaligayahan sa makakatanggap nito.

Walang lantad na datos kung nanatili pang uso sa kasalukuyan, kung malaganap pa, kung bihira na o madalang na ang gumagamit ng angpao dito sa Pilipinas  pero makakakita pa naman ng ganito sa ilang mga tindahan na masasabing indikasyon na meron pa ring tumatangkilik dito na bagaman karaniwan na sa Chinese New Year ay naging kasama na rin sa pagdiriwang ng Kapaskuhan sa Pilipinas.

Pero hindi naman obligado ang sino man na gumamit ng angpao kapag Pasko bagaman napasama na ito sa mga tradisyon natin. Maisisilid naman sa ibang klaseng envelope o anumang maayos na lalagyan ang perang pamasko o ibigay na lang ng personal sa pagbibigyan nito tulad sa mga maliliit na bata.

Pera rin ang isang alternatibo kapag wala kang maisip na ipangreregalo sa isang anak, ­inaanak, pamangkin, kapatid, magulang, kamag-anak, kaibigan, kaopisina, klasmeyt, kakilala o ibang indibidwal na gusto mong pamaskuhan.

Hindi na ito kailangang balutin sa magandang kahon, makulay na Christmas wrapper at ribbon, hindi na kailangang sumugod sa masisikip na trapiko papuntang shopping malls para bumili ng Christmas gift, at nakaluluwag sa oras. Nakakaiwas ka sa Christmas rush.

Gayunman, mainam ding alternatibo ang “digital aguinaldo” o “e-money” na ilang taon nang isinusulong ng Bangko Sentral ng Pilipinas tuwing sasapit ang Kapaskuhan.

Halimbawa, ipadadala mo na lang ang perang Pamasko sa pamamagitan ng GCash, Maya, Palawan, Western Union, Cebuana, LBC, M Lhuiller, at ibang mga remittance at money transfer service center at kahit sa mga banko o ATM.  Higit na nakaluluwag, merong seguridad kahit paano at mas mabilis ang ganitong makabagong teknolohiya. Maaari itong gawin kahit nasaan ka, kahit sa pamamagitan ng cell phone o computer lalo na at maraming money service center ang meron nang mga apps o program na kailangan lang i-download sa smartphone para magamit. Kahit nga ang tradisyunal na angpao ay meron na ring digital version.

Maaaring depende rin sa mga sitwasyon ng mga indibidwal na tao kung gagamit na lang sila ng “digital aguinaldo” para mamigay ng Pamasko tulad ng kawalan ng sapat na oras, layo ng kinaroroonan niyang lugar, kaabalahan, at kalabuang makipagkita sa reregaluhan.

Iba pa rin naman ang pakiramdam kapag personal mong nakikita at nakakaharap  ang iyong pinamamaskuhan at ang kasiyahan sa mukha ng nireregaluhan. Meron itong malalim at positibong damdaming idinudulot sa nagbibigay.

Parang kulang na ang Kapaskuhan kapag wala nang mga inaanak na personal na dadalaw sa kanilang mga ninong o ninang at mga batang nagbabahay-bahay sa kanilang mga kapitbahay para mamasko dahil maaari nang ipadala sa kanila ang regalong pera sa pamamagitan ng digital technology.

Makahulugan ang pakiramdam ng nagbibigay at ng tumatangap kapag ginagawa nila ito nang harapan o personal. Baka mas mainam na ituring lang bilang alternatibong perang pamasko ang digital aguinaldo!

-ooooo-

Email: [email protected]

 

 

PASKO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with