Kailangan pa bang mag-hearing kung posibleng matanggal ang empleyado?
Dear Attorney,
Kailangan pa ba ng pormal na hearing kung posibleng matatanggal ang empleyado bilang parusa? — Rey
Dear Rey,
Sa Labor Code, hindi kailangan ang pagdaraos ng hearing samantalang sa ilalim naman ng Omnibus Rules para sa pagpapatupad ng Labor Code ay mandatory o kailangan ito. Ang pagkakaibang ito ang isa sa mga isyung dinesisyunan sa Perez v. Philippine Telegraph and Telephone Company (G.R. No. 152048, 07 April 2009).
Ayon sa Korte Suprema, ang tanging requirement lamang sa ilalim ng Labor Code para sa mga kasong may kinalaman sa dismissal ng empleyado ay ang pagbibigay sa empleyado ng sapat na oportunidad para marinig ang kanyang panig.
Walang nakalagay sa Labor Code na mandatory ang hearing katulad ng nakasaad sa Omnibus Rules at sa mga pagkakataong may pagkakaiba sa pagitan ng batas at ng mga patakaran o rules na nagpapatupad nito, ang batas ang siyang mananaig.
Hindi naman sa lahat ng sitwasyon ay hindi na required ang hearing para sa dismissal ng empleyado.
Ayon sa Korte Suprema sa Perez v. Philippine Telegraph and Telephone Company, mandatory ang formal na hearing kung (1) hiniling ng empleyado in writing ang pagdaraos nito; (2) may mahahalagang isyu ukol sa mga ebidensiya; (3) may patakaran ang kompanya para sa pagdaraos ng hearing o matagal nang nakagawian ang pagdaraos nito; at (4) iba pang mga kahalintulad na sitwasyon kung saan kinakailangan ang pagdaraos ng hearing.
Kaya kung ang alinman sa mga nabanggit ay applicable sa sitwasyong tinutukoy mo ay posibleng may karapatan ang empleyado na magkaroon ng hearing o pormal na pagdinig para sa kanyang kaso.
- Latest