Mayang (78)
SUMUNOD si Jeff kay Lolo Nado para hanapin si Mayang sa loob ng palengke.
Pero nagtaka si Jeff sapagkat hindi sa loob ng palengke ang direksiyon na tinutungo nila.
Sa isang kalsada na nasa gilid ng palengke sila naglakad.
“Lolo Nado, saan tayo pupunta? Bakit hindi sa loob ng palengke na may puwesto si Mayang?’’
Tumigil sa paglalakad si Lolo Nado. Tumigil din si Jeff.
“Di ba gusto mong makita si Mayang?’’
“Opo.’’
“Dun tayo sa tirahan niya pupunta.’’
Hindi makapagsalita si Jeff. Nabigla siya sa sinabi ni Lolo Nado.
“Alam mo po ang bahay niya Lolo?’’
Tumango si Lolo.
“Kahapon, natutukso na akong sabihin sa iyo ang mga nalalaman ko kay Mayang pero nagtimpi pa rin ako.
Gusto ko, sasabihin sa iyon na nasa tamang oras. Ang totoo Jef, galing ako sa bahay ni Mayang kahapon.’’
“Ano po ang ginawa mo roon?’’
“Nagdala ako ng mga prutas, gulay at iba pa. Nang makita mo ako sa tapat ng palengke kahapon ay nanggaling na ako kay Mayang.’’
“Nakausap mo na po si Mayang?’’
“Oo.’’
“Ano po ang mga sinabi niya?’’
“Napag-usapan lamang namin ang tungkol sa mga tanim na palay at mga mais. Mag-aani na kasi sa susunod na linggo.’’
“Wala pong nabanggit ukol sa akin si Mayang?’’
“Wala naman.’’
Nagpatuloy sila sa paglalakad. Hanggang sa ituro ni Lolo Nado ang isang bungalow na ang kulay ay brown at puti.
“Hayun ang bahay ni Mayang!’’
“Ano po ang gagawin ko?’’
“May doorbell sa gate. Pindutin mo at lalabas si Mayang.’’
“Ako lamang po ang papasok?’’
“Oo. Hihintayin kita rito.’’
“Opo Lolo.’’
“Sige lakad na!’’ (Itutuloy)
- Latest