Mayang (77)
PAGKATAPOS kumain ng hapunan, ikinuwento ni Jeff kay Lolo Nado ang karanasan kina Puri at Henry na muntik na niyang ikapahamak. Hindi makapaniwala si Lolo Nado sa karanasang sinapit ni Jeff na nag-ugat sa pagnanais niyang matagpuan si Mayang.
“Mabuti at hindi ka pinatay ng mga taong yun, Jeff?’’ tanong ng matanda.
“Himala nga po ang pagkakaligtas ko. Babarilin na nga ako ni Henry pero hindi tinuloy.’’
“Talagang hindi mo pa oras. At siguro nga ay dahil nakatakda pa kayong magkita ni Mayang. Hindi pinahintulutan ng Diyos na mapahamak ka.’’
“Oo nga po Lolo Nado. Mabait po ang Diyos at dinidinig Niya ang dasal ng mga taong naniniwala sa Kanya.’’
“Totoo yan. Napatunayan ko na yan, Jeff. Marami rin akong pinagdaanang hirap sa buhay.’’
“Malaki rin po ang naitulong sa akin ng dating guro ni Mayang na si Mam Araceli. Si Mam Araceli po ang tumawag ng pulis kaya ako na-rescue. Sa pagtawag po sa mga pulis ay nabisto na matagal na palang wanted sa batas ang dalawa. May nakaisyu na pong warrant of arrest kina Henry at Puri.’’
“Dati ba guro ni Mayang si Mam Araceli?’’
“Opo. Guro po ni Mayang sa high school.’’
“Matapang din ang guro na yun ano? Hindi natakot na baka balikan siya ng dalawang criminal.’’
“Matapang po talaga si Mam Araceli sa kabila na siya ay maysakit.’’
“Anong sakit ni Mam?’’
“Breast cancer po. Pero nang huli po kaming mag-usap, sabi niya cancer free na po siya. Kinumpirma po ng doktor niya. Naghimala po ang Diyos sa kanya, Lolo Nado.’’
“Purihin ang Diyos,’’ sabi ni Lolo Nado. “Katulad ko rin si Mam na pinaghimalaan ng Diyos.’’
“Ano pong nangyari?’’
“Nalibing na ako nang buhay sa paanan ng bundok ilang taon na ang nakararaan. Umulan nang malakas at lumambot ang lupa. Nagkaroon ng landslides. Natabunan ako. Pero dahil sa pagtawag ko sa Diyos, nakaligtas ako sa kabila na tatlong araw nalibing.’’
Hindi makapaniwala si Jeff na maging si Lolo Nado ay pinaghimalaan ng Diyos.
“Naniniwala ako na maghihimala muli ang Diyos, Jeff. Makikita mo na si Mayang!’’
“Nananalig po ako sa Diyos, Lolo.’’
KINABUKASAN, nagtungo na sa palengke ng Pinamalayan sina Jeff at Lolo Nado para hanapin si Mayang.
“Halika Jeff, hanapin na natin si Mayang.’’
Sumunod si Jeff kay Lolo Nado. Naniniwala siya na makikita nila si Mayang. (Itutuloy)
- Latest