Gintong christmas tree, matatagpuan sa Germany!
Sa Munich, Germany, isang kakaibang Christmas tree ang naging tampok sa headquarters ng Pro Aurum, isang kilalang gold dealer. Ang puno na tinatayang nagkakahalaga ng $5.5 milyon ay gawa sa gold coins at idinisenyo bilang paggunita sa ika-35 anibersaryo ng kompanya.
Ang 10-talampakang puno ay binuo sa pakikipagtulungan sa Austrian State Mint. Gumamit ito ng 2,024 piraso ng Vienna
Philharmonic gold coins, isa sa pinakasikat na commemorative coins sa buong mundo. Imbis na tradisyunal na bituin, isang malaking 24-karat gold coin ang nakalagay sa tuktok nito.
Ayon sa Pro Aurum, ang layunin ng gintong Christmas tree ay ipakita ang walang kupas na halaga ng ginto, na maihahalintulad sa pagiging “evergreen” ng mga Christmas tree. Ngunit, taliwas sa inaasahan ng mga interesadong bilyonaryo, ang puno ay hindi ipinagbibili.
Bagama’t kamangha-mangha ang gintong puno, hindi ito ang pinakamahal sa kasaysayan.
Ang titulo para sa pinakamahal na Christmas tree ay idinisplay noong 2010 sa Emirates Palace Hotel sa Abu Dhabi na nagkakahalaga ng $11 million.
Ang 43-feet Christmas tree na iyon ay pinalamutihan ng 181 piraso ng mamahaling alahas at kinilala ito ng Guinness Book of World Records bilang “Most Expensive Christmas Tree”.
- Latest