^

Punto Mo

Puwede bang isama sa reklamo?

DEAR ATTORNEY - Atty. Aeron Aldrich B. Halos - Pang-masa

Dear Attorney,

Tinanggal po ako sa trabaho at gusto kong mag-reklamo ng illegal dismissal. Tanong ko lang po sana kung maari kong isama sa demanda ang mga may-ari ng korporasyon para sa pagkakatanggal ko? —Peter

Dear Peter,

Ang mga korporasyon ay may tinatawag na “distinct and separate personality”. Ibig sabihin, kahit hindi tao ang mga korporasyon ay itinuturing sila ng batas na may sariling personalidad na hiwalay at iba mula sa kanilang mga may-ari. Ito ang dahilan kung bakit may kakayahan ang mga korporasyon na magkaroon ng mga ari-arian sa ilalim ng pangalan nila at kaya maari rin silang magsampa o masampahan ng kaso.

Ano ang epekto ng pagkakaroon ng hiwalay na personalidad ng mga korporasyon at ng mga may-ari o opisyales nito? Malaki ang implikasyon nito dahil ibig sabihin ay hindi ­maaring habulin ang mga may-ari o opisyales para sa mga pananagutan ng korporasyon. Dahil ang korporasyon ang iyong employer, ang korporasyon din ang mananagot para sa iyong pagkakatanggal sa trabaho.

Hindi naman ibig sabihin nito ay laging ligtas ang mga may-ari mula sa mga pananagutan ng korporasyon. Maari kasing sila mismo ang habulin sa halip na ang korporasyon kung (1) ginagamit lamang ng mga may-ari ang korporasyon upang makatakas sa mga pananagutan nila; (2) ginagamit ng mga may-ari ang korporasyon upang makapanloko; at (3) lubos ang kontrol ng mga may-ari sa korporasyon kaya masasabing instrumento na lamang ito at wala na itong hiwalay na personalidad mula sa mga may-ari.

Sa mga kasong may kinalaman sa labor katulad ng illegal dismissal, maari rin na ihabla ang may-ari kung sinadya ng may-ari ang pagkakatanggal ng empleyado at kung mapatunayan na may masama siyang intensiyon o hangarin sa likod ng ginawa niyang pagsisante.

Wala namang makapipigil sa iyo para isama sa demanda ang may-ari ng korporasyon. Iyon nga lang, kung hindi mo mapatunayan na karapat-dapat balewalain ang “distinct and separate personality” ng korporasyon ay malamang na ibabasura lamang ang reklamo mo laban sa mga may-ari n’yo.

ILLEGAL DISMISSAL

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with