Matagalang solusyon sa agarang problema
MAY isang pangyayari na hindi naman dito sa atin nangyari, pero napakalaki ng epekto sa atin. Ito’y ang muling pagkapanalo ni Donald Trump bilang Presidente ng U.S. Ang inaasahang mahigpit na labanan ay nauwi sa madaling pagkapanalo ni Trump, kung saan ay kontrolado rin niya ang Senado at Kongreso.
Bakit tayo apektado? Ito’y kung tototohanin ni Trump ang kanyang campaign promise na “America First”. Nakapaloob dito ang pangako ni Trump nang malawakang deportasyon ng mga illegal immigrants sa U.S., pambansang seguridad, at pagtataas ng taripa sa mga produktong inaangkat ng U.S.
Lahat nang ito’y may tama sa Pilipinas. Unahin natin ang malawakang deportasyon ng mga illegal immigrants. Tinatayang mahigit sa 300,000 Pilipino ang ilegal na nakapasok sa U.S., ang tinatawag na “tago nang tago” (TNT). Mukhang mahihirapan na silang magtago at posibleng pwersahang mapabalik sa Pilipinas.
Saan sila maghahanap ng magandang trabaho rito sa atin, gayong marami nating kababayan ay umaalis para magtrabaho sa ibang bansa? Madaragdag pa sila sa mahigit na dalawang milyong Pilipinong walang trabaho. Malaking problema ito ng kasalukuyang administrasyon.
Kailangang makalikha nang maraming trabaho. Para makalikha ng maraming trabaho, kailangan ang bagong pamumuhunan. Para magkaroon ng bagong puhunan, kailangan ang maayos at mabilis na sistema ng pagnenegosyo, makabagong imprastraktura, at mahusay na pamamahala.
Kawing-kawing na solusyon sa kawing-kawing na problema. Narito ang realidad, kasalukuyan pa lamang nating iniaayos ang solusyon sa agarang problema.
Sa seguridad, tila ang magiging diin ni Trump ay ang pagpapalakas ng panloob na seguridad ng U.S. Ang papaalis na Presidente ng U.S., si Joe Biden, ay nangako ng pagtatanggol sa Pilipinas, sakaling sumiklab ang kaguluhan sa West Philippine Sea dahil sa alitan sa China.
Sinisigundahan ito ni Vice President Kamala Harris na tinalo ni Trump sa nakaraang eleksiyon. Ito marahil ang nagbigay ng lakas ng loob kay President BBM para lagdaan kamakailan ang dalawang batas na buong-tapang na nagdideklara ng ating karapatan sa mga teritoryo sa West Philippine Sea.
Ikinagalit ng China ang paglagda ni BBM sa dalawang batas na ito. Ang malaking tanong, kakampihan ba tayo ni Trump sa alitan natin sa China? Ipagtatanggol ba tayo ng U.S. sakaling giyerahin tayo ng China?
Hindi na talaga puwedeng para tayong bata na laging tumatakbo sa ating kuya kapag tayo’y napapaaway. Bilang isang malaya’t nagsasariling bansa, kailangang kaya nating ipagtanggol ang ating soberenya. Muli, matagalang solusyon sa isang agarang problema.
Ang pagtataas ng taripa sa mga produktong inaangkat ng U.S. ay naglalayong pangalagaan ang mga lokal na produkto ng U.S. Tatamaan nito ang pag-e-export natin ng mga produkto sa U.S.
Sa ngayon, sa bawat pitong dolyar na kinikita natin sa pangangalakal, isang dolyar ay mula sa pakikipagkalakalan natin sa U.S. Bunga nito, hihina ang ating piso, habang patuloy na lalakas ang dolyar.
Malaki ang magiging epekto nito sa ating ekonomiya. Mangangilangang palakasin natin ang pakikipagkalakalan sa ibang bansa, bukod pa sa U.S. Muli, matagalang solusyon sa agarang problema.
May ganitong kasabihan, “Kapag nagbahin ang U.S., ang ibang bansa’y sinisipon.” Ang pag-upo ni Trump bilang bagong Presidente ng U.S. ay hindi lamang basta “bahin” para sa atin. Ito’y “sipon.” Baka tayo’y magkapulmonya. Tulungan nawa tayo ng Diyos!
- Latest