^

Punto Mo

EDITORYAL - Pagulungin ang hustisya sa mga biktima ng EJKs

Pang-masa
EDITORYAL - Pagulungin ang hustisya sa mga biktima ng EJKs

AYON sa tala ng pamahalaan, mahigit 6,000 ang napatay nang isagawa ang kampanya laban sa illegal na droga noong 2016. Pero sabi ng human rights group, mas marami pa at maaaring umabot sa 30,000 ang mga napatay sa buong bansa mula nang ilunsad ang madugong war on drugs. Naging masigasig ang mga pulis sa pagtugis sa mga hinihinalang tulak ng droga. Halos araw-araw ay may itinutumbang drug suspects.

Nang humarap sa Senate Blue Ribbon Committee si Duterte noong Oktubre 28, tahasan niyang inamin ang madugong giyera at ipinagtanggol ito kung bakit ginawa. Ayon sa dating Presidente, ginawa niya ito dahil mahal niya ang bansa. Hindi raw dapat kuwestiyunin ang kanyang mga polisiya at hindi kailanman siya hihingi ng tawad dahil ginawa lamang niya ang nararapat.

Bilang Presidente, ang kanya raw tungkulin ay protektahan ang bansa at ang mamamayan. Huwag din daw husgahan ang pulis sapagkat sinunod lamang ng mga ito ang utos niya. Siya na lang daw ang ikulong. Kawawa naman daw ang mga pulis dahil sumunod lamang ang mga ito sa utos. Siya raw ang tanging may responsibilidad sa lahat sa pagpapatupad ng war on drugs.

Nang tanungin ni Senator Risa Hontiveros si Duterte kung sinu-sino ang miyembro ng DDS, sinabi ni Digong na hindi niya maalala dahil matanda na siya. Edad 73 na raw siya at mahirap nang maalala iyon. Pero tiyak niyang “libu-libo” ang napatay sa war on drugs sa panahon ng kanyang pamumuno.

Ang pag-amin ni Duterte sa mga nangyaring patayan ay nagpalakas sa loob ng mga kaanak ng biktima ng extra-judicial killings (EJKs) sa bansa. Nararapat panagutin si Duterte sa mga kasalanan, ayon sa kanila.

Pero sa kabila ng mga panawagan ng mga kaanak ng EJKs victims, nananatili ang posisyon ni President Ferdinand Marcos Jr. na huwag papasukin sa bansa ang International Criminal Court (ICC) na lilitis kay Duterte at iba pa. Ayon kay Marcos, gumagalaw naman ang hustisya sa bansa kaya bakit pa papapasukin ang ICC. Ganito rin naman ang pananaw ng Department of Justice (DOJ). Kumalas ang Pilipinas sa ICC noong 2017 sa utos ni Duterte.

Kung gumagalaw o gumagana ang batas sa bansa, dapat sampahan na ng kaso ang dating Presidente sa karaniwang korte at litisin na. Bakit urong-sulong pa? Umamin na siya sa mga madudugong kampanya laban sa droga. Siya raw ang may responsibilidad at dapat makulong. Ano pang hinihintay? Malaking hamon sa Marcos administration ang pag-ako ni Duterte sa mga nangyaring patayan.

EJK VICTIMS

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with