Paghandaan ang ‘super typhoon’
SABI ng Philippine Atmospheric, Geothermal and Space Administration (PAGASA) posibleng maging “super typhoon” ang Bagyong Leon habang papalapit sa silangan ng Echague, Isabela na may taglay na hangin na 95 kilometro bawat oras at may bugso na 115 kilometro bawat oras. Lalakas pa umano ito habang papalapit sa Batanes. Itinaas na ang signal number 1 sa silangang bahagi ng Cagayan at Isabela at hilaga-silangang bahagi ng Catanduanes. Malawak umano ang sakop ng bagyo kaya inaasahang magdadala nang malalakas na pag-ulan sa Luzon.
Hindi pa humuhupa ang baha sa mga sinalantang lugar sa Bicol Region at Calabarzon ay ito na naman ang panibagong banta sa mamamayan. Sa pinakahuling report, umabot na sa 125 katao ang namatay. Karamihan sa mga biktima ay dahil sa pagkalunod at natabunan ng lupa.
Pinakamarami ang nasalanta sa Batangas, partikular sa Agoncillo at Lemery. May mga nawasak na tulay at nasirang kalsada roon dahil sa rumagasang baha. Maraming bahay ang inanod.
Sabi ng mga residente sa Agoncillo, hindi nila inaasahan ang biglang paglaki ng tubig. Marami ang hindi nakapaghanda. Iglap lamang umano ay tinangay na kanilang mga bahay. Ang mga nakatira sa pampang ng ilog ay walang naisalba. Tanging suot na damit ang naiwan sa kanila. Ang mga nakatira sa paanan ng bundok ay nagulantang sa pagguho ng lupa. Sa isang iglap kasamang natabunan ang mga mahal nila sa buhay.
Ang paghahanda ng mamamayan sa pagtama ng bagyo ay nararapat. Lumikas agad kung tatama sa lugar ang bagyo at huwag nang hintayin pa ang puwersahang pagpapalikas.
Sa mga nakaraang kalamidad, laging ang mga nasa pampang ng ilog at nasa paanan ng bundok ang nakaharap sa panganib. Sila ang unang nalulunod at nalilibing nang buhay sa putik at lupa.
Sa panahon ni dating President Noynoy Aquino, mahigpit na ipinagbawal ang mga nakatira sa pampang ng ilog o estero. Inilipat sa isang resettlement area ang mga nakatira sa pampang ng ilog at estero. Subalit makaraan ang Aquino administration, nagbalikan sa pampang ang mga informal settlers.
Ipatupad sana ng LGUs na ipagbawal ang pagtira sa pampang o paanan ng bundok upang makaiwas sa trahedya. Sa parating na Bagyong Leon, mag-ingat ang lahat.
- Latest