Pagreporma sa PNP at PDEA, kailangan
NAKAGIGIMBAL ang mga natutuklasan sa pagdinig na isinasagawa ng House quad committee na ang mga sangkot ay miyembro ng Philippine National Police (PNP) partikular na sa isinagawang kampanya laban sa illegal na droga noong panahon ni dating President Rodrigo Duterte. Malaki rin ang kaugnayan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa war on drugs campaign mula 2016 hanggang 2022.
Sa pagdinig ng quad committee, nabunyag ang sinasabing reward system sa mga pulis kung saan makatatanggap ng P20,000 hanggang P1-milyon ang mga pulis na makapapatay ng drug suspects. May pondo umano para sa reward system subalit hindi matukoy kung saan ito galing. Sinasabing galing daw sa intelligence fund.
Sinabi ni dating police colonel at PCSO general manager Royina Garma sa pagdinig na si dating President Duterte ang nasa likod ng extrajudicial killings (EJKs). Itinanggi naman ni Duterte ang akusasyon at wala rin aniyang reward system. Sabi ni Duterte, pinakakain lang daw niya ang mga pulis at hindi iyon reward.
Ibinulgar din ni Garma ang mga nangyaring pagpatay kay Tanauan City, Batangas Mayor Antonio Halili ng isang police Captain Albotra. Humarap sa pagdinig si Albotra at pinasinungalingan ang sinabi ni Garma subalit nanindigan ang dating PCSO manager sa unang pahayag.
Pawang mga pulis ang sangkot sa pagpatay na iniimbestigahan ngayon ng quad comm. Sabi ng Human Rights Watch (HRW), kailangan nang magsagawa ng reporma sa PNP at PDEA. Hinikayat ng HRW si President Ferdinand Marcos Jr. na magsagawa ng agaran at matinding pagreporma sa PNP at PDEA.
Sabi ni HRW deputy Asia director Bryony Lau dapat magsawa si Marcos ng paglilinis hindi lamang sa PNP kundi pati sa PDEA. Hinikayat din niya ang Presidente na maki-cooperate sa International Criminal Court (ICC) sa pag-iimbestiga sa madugong war on drugs ng nakaraang Duterte administration.
Hiniling din ni Lau sa Department of Interior and Local Government (DILG) na mag-imbestiga sa mga pang-aabuso at maling gawain ng mga pulis at ipagharap ng reklamo ang mga ito.
Nakakaumay na ang mga nangyayaring kasangkot ang mga pulis sa krimen. Nararapat na ngang magsagawa ng reporma para naman mabalik ang pagtitiwala ng taumbayan sa mga alagad ng batas. Masyado nang nalublob sa maraming kontrobersiya ang mga pulis lalo ang may kinalaman sa giyera sa illegal na droga.
- Latest