Pro-China ka ba?
KUNG ikaw ay kandidato sa nalalapit na midterm elections at sumusuporta ka sa China, huwag mo nang asahang iboboto ka nang nakararaming Pilipino. Allergic na ang karamihan sa mga Pinoy sa China dahil na rin siguro sa ginagawang pambu-bully sa mga sundalo natin at mangingisda sa West Philippine Sea. Bukod sa isyu sa WPS, laganap din ang krimen sa bansa dahil sa POGOs na ang nag-ooperate ay mga Chinese. Sa galit sa China, kasama na ring kinamumuhian nang nakararaming kababayan ang mga kandidatong kampi rito. Kaya kung kandidato ka at pro-China, esep-esep muna.
Sa isinagawang survey ng Pulse Asia noong nakaraang Setyembre 6-13, 2024 sa 1,200 respondents, lumitaw na 73 percent ng mga Pilipino ang nagsabing hindi nila iboboto ang mga kandidatong pro-China.
Lumitaw din sa surbey na 1 percent lamang ng mga Pinoy ang naniniwala na mapagkakatiwalaan ang China bilang partner ng Pilipinas sa kaunlaran. Nagpapakita na nawalan na ng tiwala ang mga Pilipino sa China.
Itinuturing naman ng 79 percent ng mga Pinoy na ang United States ang lubos na pinagkakatiwalaan nilang partner na sinundan ng Japan na may 50 percent.
Paano naman pagtitiwalaan ang China, sunud-sunod ang ginagawang pangha-harassed sa ating mga barko sa WPS? Walang patid ang pagbomba ng tubig at ang matindi pa, maraming beses nang binangga ang ating mga barko. Dahil sa pagbangga, naputulan pa ng daliri ang isa nating sundalo.
Hindi lamang sa dagat nanggigipit ang China kundi pati na rin sa himpapawid. Ilang beses nang sinundan ang eroplano ng Bureau of Fisherties and Aquatic Resources (BFAR) at nagpakawala ng flares na lubhang delikado. Maaaring madisgrasya ang eroplano at bumagsak dahil sa flares na pinakawalan ng China aircraft.
Bukod sa pagpapakawala ng flares, pinatatamaan din ng laser gun ang eroplano ng BFAR na naging dahilan para pansamantalang mabulag ang piloto. Kamakailan, dalawang missile ships ng China Coast Guard ang tumugis sa barko ng Philippine Coast Guard na nagsasagawa ng pagpapatrulya sa ating teritoryo.
Ang pinaka-latest na pambu-bully ng China ay nangyari noong Oktubre 11 kung saan dalawang barko ng BFAR ang hinarassed ng Chinese militia malapit sa Pag-asa Island.
Hina-harassed tayo sa sariling teritoryo. Tuwing magsasagawa ng resupply mission, babanggain at bobombahin ng tubig. Sino ang hindi mapopoot sa ginagawa ng China?
Kaya ang kandidatong kumakampi sa China ay hindi dapat iboto sa 2025 elections.
- Latest