Hindi lamang droga pati kalaswaan
DAPAT lamang talagang walisin na ang POGO sa bansa at kahit anino nito ay hindi na dapat makita. Sobra na ang ginagawang paglapastangan sa bansa. Sandamakmak na krimen ang naganap sa mga taon na namayagpag ang POGO at ngayon, pati ang droga at kalaswaan ay namamayani rin dahil sa salot na ito. Dapat talagang durugin na ito.
Sa sinalakay na POGO hub Lucky South 99 sa Porac, Pampanga, mayroong nangyayaring “live kalaswaan” ayon sa isang witness na hawak ngayon ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC). Nasaksihan umano nito ang grabeng “kalaswaan”. Ayon sa witness, bini-video ang pagtatalik at ibinebenta ang live stream sa mga dayuhang kliyente.
Noong nakaraang buwan, nabatid na malaki ang kaugnayan ng POGO at illegal na droga. Batay sa pag-iimbestiga ng House quad committee, ang nasa likod nito ay sina Michael Yang at si Lin Weixiong alyas Allan Lim. Si Yang ay dating presidential adviser ni dating President Rodrigo Duterte. Ayon sa quad committee, isang “criminal enterprise” ang kinapapalooban nina Yang at Lim na ginagamit ng sindikato ng droga.
Sabi ni President Ferdinand Marcos sa kanyang 3rd SONA noong July, hanggang Disyembre 31, 2024 na lamang ang POGO sa bansa.
Hindi ba maaring paikliin ang palugit at palayasin na ang POGO? Balita ko, naglipatan sa probinsiya ang POGO. Nakakatakot na dun sila naghahasik ng lagim.
Maaari bang umaksiyon si bagong DILG Sec. Jonvic Remulla at walisin sa lalong madaling panahon ang POGO? Huwag nang paabutin ng Disyembre. Mas tumatagal, nanganganib ang bansa.
- Latest