Baril kahit saan, kahit sa eskuwelahan
HINDI na maganda ang nangyayaring ito na laganap ang baril at kahit mismong menor-de-edad ay nakapagdadala sa eskuwelahan at walang takot na pinapuputok. Nakaka-shock na isang 12-anyos na estudyante ng Negros Oriental High School sa Dumaguete City ang nagdala ng kalibre 45 sa kanilang classroom at saka sunud-sunod na pinaputok sa bintana. Dahil sa takot ng mga estudyanteng nakakita at nakarinig ng mga putok, nagtakbuhan ang mga ito.
Ayon sa Dumaguete Police, dakong 12:42 ng tanghali nang maganap ang pagpapaputok ng baril. Naka-breaktime umano ang mga estudyante at guro nang ilabas nang hindi pinangalanang estudyante sa kanyang bag ang kalibre 45 baril. Nagtungo umano ito sa bintana, ikinasa at saka sunud-sunod na pinaputok.
Tumawag ng pulis ang mga guro at agad na dinisarmahan ang estudyante. Dinala ito sa tanggapan ng Department of Social Welfare and Development. Nag-iimbestiga pa ang pulisya kung paano nagkaroon ng baril ang estudyante at kung sino ang may-ari nito. Ayon sa pulisya, malaki ang pananagutan ng may-ari ng baril.
Noong nakaraang Oktubre 3, binaril ng isang 16-anyos na estudyante ang kapwa nito estudyante sa isang paaralan sa Numancia, Aklan. Tinamaan sa tiyan ang 19-anyos na biktima at nakaligtas sa kamatayan.
Ayon sa Numancia Municipal Police, nagkainitan ang mga grupo ng biktima at suspek na humantong sa pamamaril gamit ang sumpak. Ayon sa kuwento ng isang witness, kinuha ng suspect ang sumpak sa sling bag nito. Pero sabi ng suspek galing daw sa grupo ng biktima ang sumpak na inagaw lamang niya. Ayon sa school principal, may record na sa pulisya ang mga sangkot na estudyante.
Nakakatakot ang nangyayaring ito na mga menor-de-edad ang nasasangkot sa barilan at nangyayari sa eskuwelahan. Hindi ba nagsagawa ng inspeksiyon ang mga guwardiya ng eskuwelahan sa mga pumapasok para matiyak na walang dalang armas?
Para sa akin, dapat ang mga magulang ng mga bata ang nakaaalam ng mga dala ng kanilang anak. Dapat inspeksiyunin ang mga backpack ng kanilang mga anak. Sila ang may responsibilidad sapagkat menor-de-edad ang kanilang mga anak.
Dapat din namang paigtingin ng Philippine National Police ang kampanya laban sa loose firearms. Ngayong papalapit na ang 2025 midterm election, tiyak na maraming bodyguard ng mga pulitiko ang magdadala ng baril.
Iprayoridad ng PNP ang pagsamsam sa mga baril para matiyak ang katiwasayan sa darating na election.
- Latest