EDITORYAL - Bagong strategy gamitin sa pambu-bully ng China
BINOMBA na naman ng tubig ng China Coast Guard (CCG) ang dalawang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) noong Lunes habang nagsasagawa ng routine resupply mission sa Bajo de Masinloc. Tatlong barko ng CCG ang nambomba ng tubig pero sa kabila nito, matagumpay na nakapamahagi ng ayuda sa mga mangingisdang Pinoy ang BFAR.
Ang pag-water cannon ay ginawa, isang linggo makaraang habulin ng dalawang missile ships ng CCG at Peoples’ Liberation Army ang barko ng Philippine Coast Guard na nagsasagawa ng pagpapatrulya. Bukod sa paghabol ng missile ships, tinutukan din ng laser ang eroplano ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na nagsasagawa ng research sa Hasa-Hasa Shoal. Halos mabulag ang piloto ng eroplano.
Pinakamaraming insidente ng pangha-harassed ang ginawa ng CCG noong Agosto sa mga barko ng PCG kung saan dalawang beses binangga ang mga ito na nagdulot nang malaking pinsala. Binangga din ang BRP Datu Sanday ng BFAR sa Escoda Shoal. Nabutas ang tagilirang bahagi ng barko. Bukod sa pagbangga, binomba pa ng tubig ang Datu Sanday na maghahatid sana ng tulong sa mga mangingisda sa Shoal. Maraming equipment ng barko ang nabasa at nasira.
Noong Agosto 20, dalawang barko rin ng PCG ang binangga ng CCG habang nagpapatrulya. Unang binangga ang BRP Engeño habang nagpapatrulya sa Patag at Lawak Islands. Nawasak ang kanang tagiliran ng BRP Engaño at nagkaroon nang malaking butas. Sunod na binangga ang BRP Bagacay at tinamaan ang starboard beam ng barko at nabutas. Naganap ang pagbangga malapit sa Escoda Shoal.
Noong Agosto 8, dalawang Chinese aircraft ang pumasok sa himpapawid ng bansa sa tapat ng Bajo de Masinloc at nagpakawala ng flares sa direksiyong tinutungo ng Philippine Air Force (PAF) aircraft. Nagsasagawa ng pagpapatrol sa lugar ang PAF nang biglang lumitaw ang Chinese planes at nagpakawala ng flares.
Ang matindi ay noong Hunyo nang banggain ng CCG ang rubber boat ng PCG na maghahatid ng suplay sa BRP Sierra Madre dahilan para maputulan ng daliri si Seaman First Class Jeffrey Facundo.
Ang panibagong pambu-bully at mararahas na pagbangga ng CCG sa mga barko ng Pilipinas ay inilahad naman ni President Ferdinand Marcos sa meeting ng ASEAN sa Laos noong Huwebes. Harapan niya itong sinabi habang nakatingin kay Chinese Premier Li Qiang na dumalo rin sa pagpupulong.
Wala pang sagot ang China sa mga sinabi ni Marcos. Dapat mas maanghang pa ang ginawa ng Presidente para maramdaman ng China. Nararapat din naman na makaisip ng bagong strategy ang pamahalaan laban sa ginagawang panggigipit ng China.
- Latest