Pabakunahan ang mga anak
NAALALA ko nang magkaroon ng polio outbreak sa bansa noong Setyembre 19, 2018. Matagal nang nawala ang polio sa Pilipinas mula pa noong 2000 at marami ang nangamba na pagkaraan nang maraming taon ay muli itong nagbalik. Nabatid na maraming magulang lalo na ang mga nasa liblib na lugar na hindi pinababakunahan ang kanilang mga anak kaya dinapuan ng polio. Ang maruming tubig, kawalan ng sariling toilet ang dahilan kaya kumakalat ang poliovirus.
Noong Hunyo 2021, dineklara ng Department of Health na tapos na ang pananalasa ng poliovirus sa Pilipinas. Pinuri ng World Health Organization (WHO) ang pamahalaan dahil sa maigting na kampanya noong 2019 para mawala ang virus. Nagsagawa nang malawakang anti-polio vaccination campaign ang DOH at naging matagumpay ito.
Sa kasalukuyan, naglunsad ang DOH at Department of Education (DepEd) ng programang “Bakuna Eskwela” upang maprotektahan ang mga batang mag-aaral laban sa tigdas, rubella, tetanus, diphtheria at human papillomavirus. Sa ilalim ng proyekto target mabakunahan ang 3.8 milyong mag-aaral sa pampublikong paaralan na naka-enrol sa Grade 1 at 7. Target ding mabakunahan ang 973,930 babaeng mag-aaral sa Grade 4 laban sa HPV. Ang HPV ang pinagmumulan ng cervical cancer. Ipatutupad ang kampanya sa public schools sa buong bansa hanggang Nobyembre 2024.
Nararapat samantalahin ng mga magulang ang “Bakuna Eskuwela” para maprotektahan ang mga anak laban sa sakit. Mahalaga ito lalo’t dumarami ang nagkakasakit ng tigdas, dipterya, rubella at iba pa. Ingatan ang mga anak laban sa mga sakit. Dalhin ang mga anak sa eskuwelahan na nagsasagawa ng “Bakuna Eskuwela”. Huwag palampasin ito sapagkat napakahalaga.
- Latest