Bodega ng pekeng sigarilyo, ni-raid ng CIDG at BIR!
MGA kagamitan sa paggawa ng illegal na sigarilyo at packing machines ang kinumpiska sa raid na isinagawa ng Criminal Investigation and Detection Group at iba pang ahensiya ng gobyerno sa One Wharf Compound sa Bgy. Looc, Cebu City. Sinabi ni CIDG director Brig. Gen. Nicolas Torre na aabot sa P50 milyon na halaga ng makinarya at P2 milyon na pekeng sigarilyo ang natagpuan sa compound sa CM Cabahug, Bgy. Looc. Ang mga kumpiskadong pekeng sigarilyo ay mga Chinese brand, ani Torre. Kung si Torre ay nagdeklara na ng “all-out war” vs pekeng sigarilyo kahit noong nasa PRO11 pa siya, bakit si PRO12 director Brig. Gen. James Gulmatico ay hindi maikumpas ang kamay na bakal sa sindikato na hindi naman nagbabayad ng buwis? Sinabi ng mga kosa ko na ang PRO12 ay landingan ng pekeng sigarilyo na dumadaan sa Southern backdoor, di ba Boss Sakur Sir?
Ang raid sa wharf ay alinsunod sa Oplan Mega Shopper ng CIDG na ang layunin ay kitlin ang pagpasok ng pekeng sigarilyo sa Pinas. Sa totoo lang, aabot na sa bilyones ang nawawala sa kaban ng Pinas dahil sa talamak na cigarette smuggling, ayon sa mga legal na cigarette manufacturers. Matapos mapag-aralan ang tip ng informer, kaagad nag-isyu ng Mission Order ang opisina ng Bureau of Internal Revenue (BIR) Regional Office sa Cebu City. Armado rin ang CIDG ng tinatawag na “pre-ops” at kasama ang taga-Philippine Air Force, Philippine Coast Guard, local police, team leader Atty. Dino Somera, Chief Investigation Division ng BIR at representante ng Japan Tobacco Inc. sa nasabing raid nitong Oktubre 5. Nabulaga ang mga raiders ng dalawang linya ng unregistered cigarette-making and packing machines at ilang carton ng Chinese cigarettes.
Ayon sa mga kosa ko walang naaresto sa naturang raid dahil ang mga makina at pekeng sigarilyo ay nakaimbak na sa isang bodega na ino-operate ng isang alyas Francisco Co. Dapat habulin ng CIDG at BIR si Co dahil niloloko niya ang gobyerno sa pamamagitan ng di pagbabayad ng buwis. Ayon kay Torre, ang mga nakumpiska ay packing machine for individual pack; packing machine for sealing (plastic); filter cutter machine, at milling machine. Ang mga nakumpiskang ream-ream na pekeng sigarilyo ay may mga tatak na: Furongwang, Huanghelou, Ligun (blue), Chunghwa, Yunyaw, Sequoia, Ligun (red), Nanjine at Hungwa.
Ang pagbukas ng nasabing warehouse ay sinaksihan ng barangay officials ng Bgy. Looc at nakita ang mga epektos “in plainview.” “We saw the pieces of evidence stored inside the warehouse which possessing false, counterfeit, restored or altered stamps, labels or tags, and machines or causing of any such offense, which constitute a violation of Tax Code penalize under RA 8424 and the confiscation of pieces of evidence and conducted initial inventory,” ayon sa report ng CIDG raiders kay Torre. Inireport pa ni Torre na ang raiders ay gumamit ng body-worn cameras o alternative recording devices ayon sa direktiba ng korte. Kailan kaya magkakaroon ng accomplishment si Gulmatico laban sa cigarette smuggling? Abangan!
- Latest