DepEd, gawin ang lahat para maitaas ang performance ng mga estudyante
MAHINA ang performance ng mga estudyante sa mathematics, science at reading. Hindi maganda ang nangyayaring ito sapagkat nangungulelat ang mga Pilipinong estudyante sa mga nabanggit na larangan o asignatura. Paurong ang nakikita sa mga estudyanteng edad 15. Nakakahiya ang ganitong nangyayari na napag-iiwanan ang mga estudyanteng Pinoys.
Ang kahinaan ng mga estudyante ay nakita sa 2022 Programme for International Student Assessment (PISA). Ang PISA ay sumusukat sa skills ng mga estudyante sa larangan ng mathematics, science at reading.
Sa isinagawang PISA 2022, isang malaking kahihiyan ang ipinakita ng mga estudyanteng Pilipino. Ang average score na nakuha ng mga Pilipinong estudyante sa mathematics ay 355.
Sa science, nakakuha lamang ng score na 356 at sa reading ay nakakakuha ng score na 347.
Ang mga estudyante sa Singapore ang nananatiling mataas: math, 575 points; reading, 543 at science, 561. Bukod sa Singapore, mataas din ang score ng mga estudyante sa Hong Kong, Japan, Korea, Macao, Ireland, Estonia, Japan, Korea at Chinese Taipei sa tatlong subjects.
Ang Pilipinas ay unang lumahok sa PISA noong 2018 at mababa rin ang nakuhang points ng mga Pinoy students noon. Sa reading comprehension ay nakakuha lang ng 340 points. Mataas pa ang nakuha ng Kosovo at Dominican Republic na nakakuha ng 342 points. Nanguna naman ang China, Singapore, Macau at Hong Kong.
Sabi ni DepEd Secretary Sonny Angara, isang task force ang pinabubuo niya para matutukan ang mababang performance ng mga estudyante sa PISA. Paghahandaan na raw ng DepEd ang nalalapit na PISA.
Gawin ng DepEd ang lahat para umunlad ang kakayahan ng mga estudyante. Palagay ko dapat mag-hire ang Deped ng mga mahuhusay na guro para mahasa ang mga estudyante. Naniniwala akong hindi mahihina ang mga estudyanteng Pilipino. Kailangan ay magkaroon ng gurong susuporta sa kanila para maging mahusay sa maraming larangan.
- Latest