Dumadagsa na naman ang smuggled na karne
Hindi lamang vegetable products ang ipinupuslit ngayon sa bansa kundi pati na rin mga frozen na karne galing China. Ang nakakatakot, kapag nailabas ito sa mga palengke at bilhin ng consumers ay maaaring makasama sa kalusugan dahil kontaminado na at hindi dumaan sa tamang proseso. At malamang din na ang mga karne ay may African Swine Fever (ASF).
Nakapagtataka naman kung paano nailabas sa Bureau of Customs (BOC) ang mga karne? Talaga yatang hindi nawawala o mas tumitindi pa ang korapsiyon sa BOC sapagkat pati mga frozen meat ay walang anumang naipapasok sa bansa. Dapat din namang kuwestiyunin ang Department of Agriculture sa nangyayaring ito. Kung hindi mapipigilan ang smuggling ng frozen meat, malalagay sa panganib ang kalusugan ng mamamayan.
Katulad na lamang ng mga nasamsam na karne sa isang storage sa San Ildefonso, Bulacan noong Biyernes. Nagsagawa ng raid ang National Bureau of Investigation (NBI) sa nasabing storage at natambad sa mga operatiba ang napakaraming frozen na karneng baboy na nagkakahalaga ng P200 milyon.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, nakatanggap sila ng report na ang mga karne ay binibenta on line. Ikinasa nila ang pagsalakay sa cold storage facility at natambad ang maraming talaksan ng karne.
Ayon kay Santiago, ang kompanya nag-o-operate bilang isang ice plant. Pinagpapaliwanag ito kung bakit umaangkat ng mga imported meat products ng walang kaukulang lisensiya. Nakatakdang kasuhan ang kompanya.
Sinunog na ng NBI ang mga puslit na karne sa isang disposal facility upang hindi na maibenta pa. Ayon kay Santiago, dapat sirain sapagkat iyon ang utos ng korte.
Nararapat na sunugin agad ang mga karne sapagkat maaring kontaminado ng ASF. Malaking perwisyo ang idudulot kung hindi susunugin.
Maging alerto pa ang NBI sapagkat tiyak nang dadagsa pa ang mga smuggled na karne. Kastiguhin naman ang BOC kung bakit nakakalusot ang mga karne. Wala na ba talagang takot ang mga korap? Kumilos din sana ang DA sa nangyayaring talamak na smuggling ng frozen meat.
- Latest