Huwag pasakop sa hustle culture
PITO sa bawat 10 Pilipino ang nabubuhay sa impluwensiya ng tinatawag na “hustle culture,” ito’y ayon sa resulta ng survey na isinagawa kamakailan ng Kantar Philippines, isang market research firm. Ang hustle culture ay isinilang dahil sa malaganap na paggamit ng social media at smartphones na nagbibigay ng pagkakataon sa isang tao na ibandera sa buong mundo kung ano ang kanyang isinusuot at kinakain, kung ano ang magagandang lugar na kanyang pinupuntahan, at kung ano ang bagong sasakyan o appliances na kanyang nabili.
Para makasunod sa kulturang ito, kinakailangan ang maramihang trabaho na tila kayang-kaya namang gawin ngayon ng mga millennials dahil sa pagiging eksperto nila sa multitasking. Sa ilalim ng hustle culture, ang pagiging produktibo ay napapatunayan sa pagiging sobrang busy; ang accomplishments ay naipapakita sa pagiging sobrang pagod; at ang kahalagahan ng sarili o self-worth ay nasusukat sa dami ng tagumpay sa napiling propesyon. Noong araw, ang simpleng tawag sa kulturang ito’y “workaholism” o “materialism,” trabaho rito, trabaho roon; bili rito, bili roon.
Kabilang sa mga senyales ng hustle culture ang sobrang haba ng trabaho na wala ng oras para mamahinga; nakakain ng trabaho ang oras para sa sarili at pamilya; wala ng work-life balance na tila baga nabubuhay para magtrabaho sa halip na nagtatrabaho para mabuhay; sobrang pagpapahalaga sa productivity; at mataas na antas ng stress at pagkabalisa.
Ayon sa mga pag-aaral, ang hustle culture ay nagbubunga ng pagkasira ng kalusugang pisikal at mental, gayundin ng kaugnayan ng tao sa kanya mismong sarili at kapwa, lalo na sa sariling pamilya. Ito ang dahilan kung bakit ang hustle culture ay tinatawag ding “break culture” o “burnout culture” o “toxic culture.” Kung ganito ang ibinubunga nito, nakakabahala na mas nakararaming Pilipino ang nabubuhay sa dikta ng kulturang ito. Mahigit nang dalawang libong taon ang nakakaraan ay winika ni Hesus, “Sapagkat ano ba ang mapapala ng isang tao makamtan man niya ang buong daigdig, ngunit mapapahamak naman ang kanyang sarili?”
Paano makakalaya sa hustle culture? Narito ang mungkahi ng mga health experts: Bigyang-prioridad ang pangangalaga sa sarili; humanap ng mapagkakatiwalaang mga kaibigan; matutong magsabi ng “hindi” sa mga imbitasyon; huwag hayaang makontrol ng electronics ang iyong buhay.
Nais kong idagdag sa mga mungkahing ito ang mga sumusunod: Mamuhay nang simple. Ibig sabihin, magbawas ng mga posesyon. Maging sa bahay, ang uso na ngayon ay minimalism, mas konti ang gamit, mas maaliwalas at mas maganda. Huwag magdepende sa teknolohiya. Bawasan ang paggastos. Ienjoy lang ang buhay araw-araw.
Higit sa lahat, huwag isalalay ang iyong kahalagahan o self-worth sa dami ng iyong posesyon o posisyon. Mas mahalaga ka kaysa iyong posesyon o posisyon. Hindi sa mga iyan nakasalalay ang iyong kahalagahan. Kahit wala kang posesyon at posisyon, napakahalaga mo, sapagkat nilikha ka ng Diyos ayon sa Kanyang wangis. Iyan ang iyong self-image na hindi mapapantayan ng posesyon at posisyon, ikaw ay kalarawan ng Diyos.
Kaya sa halip na hustle culture, ang yakapin natin ay ang Christ-centered culture kung saan ang kaligayahan at ang katagumpayan ay sinusukat hindi sa dami ng posesyon at posisyon, kundi sa kalidad ng kaugnayan sa Diyos, sarili, kapwa, at kalikasan.
- Latest