Walang cancer sa cell phone
TATLUMPUNG taon na palang nakabitin ang usapin kung nagdudulot ba ng cancer sa utak ang cell phone. Merong kontra at merong pabor. May mga naunang pag-aaral na nagsasabing meron itong peligro sa cancer pero ang iba ay nagsasaad na walang panganib na magkasakit dito.
Matagal na itong ikinababahala sa maraming bahagi ng mundo lalo na nang magpalabas ng babala noong 2011 ang International Agency for Research on Cancer na nagtuturing na posibleng nakaka-cancer ang radiation na nagmumula sa cell phone.
Pero tila nalinawan na ngayon ang usaping ito. Tatlong linggo na ang nakararaan, lumabas at napaulat ang resulta ng isang mas malawak at komprehensibong pag-aaral na nagsasaad na walang peligrong magkasakit ng cancer sa paggamit ng cell phone gaano man katagal at ilang beses man itong gamitin.
Nagsagawa rito ng pagrepaso ang 11 researchers mula sa 10 bansa na kinomisyon at bahagyang pinondohan ng World Health Organization at pinangunahan ng mga scientist ng Australian Radiation Protection and Nuclear Safety Agency (ARPANSA).
Siniyasat nito ang mahigit 5,000 papeles na nag-eksamen sa epekto ng mobile phone radiation mula 1994 hanggang 2022 at inanalisa ang 63 observational studies sa naturang usapin.
Sinabi ni ARPANSA health impact assessment assistant director Ken Karipidis na lumilitaw sa mga ebidensiya na walang kaugnayan ang paggamit ng cell phone sa brain cancer o sa head at neck cancer. Hindi nakaka-cancer kahit ilang beses tumawag o tumanggap ng tawag sa cell phone o kahit ilang oras itong gamitin.
Sinabi naman ni ARPANSA research scientist Rohan Mate na ang pag-aaral ay nakakapagpahikayat at nagpapabura sa anumang pagkabahala sa paggamit ng teknolohiyang ito.
Ipinaliwanag ni Karipidis na, nang ideklara ng IARC noong 2013 na posibleng magdulot ng cancer sa tao ang radio wave exposure, batay lang ito sa limitadong katibayan mula sa human observational studies.
Ang bago aniyang pag-aaral ay batay sa mas malaking dataset na kinabibilangan ng mga mas bago at mas komprehensibong mga pag-aaral kaya “maaaring maging kumpiyansa tayo na walang panganib sa kalusugan ng tao ang cell phone.
“Para sa pangunahing isyu, cell phones at brain cancer, wala kaming nakitang dagdag na peligro, kahit 10 taon pa ang exposure at kahit sobrang napakatagal ng pagtawag o kahit ilan pa ang natatanggap na tawag sa telepono,” sabi rin ni Mark Elwood ng University of Auckland sa New Zealand na co-author ng pag-aaral.
Wala pa namang kumokontra sa bagong pag-aaral na ito na kinomisyon ng WHO. Sana nga, ito na ang tiyak, huli at pinal na deklarasyon sa epekto ng cell phone sa kalusugan ng tao para tuluyan nang mabura ang matagal nang pagkabahala rito lalo na ang matagal nang kumakalat na paniniwala na maaari itong magdulot ng cancer sa utak.
Lubha nang malawak at malaganap sa mundo ang cell phone na mahigit nang 50 taong nagagamit sa larangan ng komunikasyon, edukasyon, negosyo, trabaho, medisina, kalusugan, libangan, kalakalan, serbisyo publiko, at iba pa lalo na nang mauso ang internet.
Hindi nga mapigilan ang pagdami ng mga gumagamit nito mula bata hanggang matanda kahit pa merong mga pangamba sa epekto nito sa kalusugan. Sabi nga ng United Nations noong 2023, umaabot sa 73 porsiyento ng populasyon sa mundo ang gumagamit ng cell phone.
••••••
Email: [email protected]
- Latest