Obligado bang bigyan ng right of way ang bumili ng property?
Dear Attorney,
May binili po akong property ngunit nang napasaakin na ito ay biglang sinarhan ng may-ari ng kalapit na lote ang tanging daan ko sa kalsada kaya wala nang madadaanan ang sasakyan ko papunta at palabas ng binili kong lupa. Gusto ko sanang malaman kung obligado ba ang may-ari ng kalapit na lote na bigyan ako ng right of way? —Mario
Dear Mario,
Kung dati ay may daan naman papunta sa kalsada ang property na binili mo, ang unang kailangan mong gawin ay i-check ang titulo nito. Maari kasing may right of way na pala ang property at naka-annotate o nakasulat ito sa titulo. Kung sakaling may annotation na sa titulo ng right of way ay hindi na ito basta-basta mababawi pa at kailangan itong respetuhin at sundin ng owner ng kalapit na property kahit pa nag-iba na ang may-ari ng lupang nakikinabang sa right of way.
Kung wala namang annotation at talagang napapaligiran ang iyong lupa at walang maaring daanan papasok at papunta sa pinakamalapit na pampublikong daanan ay pinahihintulutan ng batas na kumuha ng kapirasong lupa mula sa mga nakapaligid na property upang gawing daanan o easement of right of way. Kailangan lang na ang magiging right of way ay ang pinakamaikling daan papunta sa highway. Ibig sabihin, dapat ay alamin mo rin muna kung ang kalapit mo bang property ang pinakamalapit sa kalsada dahil kung may iba namang mas maikling daan ay doon ka dapat humiling ng right of way.
Para sa kapakanan mo rin na malaman ang pinakamaikling daan papunta sa highway dahil kapag pinagbigyan ng korte ang hiling mo na right of way ay kakailanganin mo na magbayad ng daños sa mga may-ari ng mga lote na mababawasan upang mabuo ang ginawang daan para sa iyo. Tandaan lang na kung sakaling maisipan mo nang magsampa ng kaso para sa right of way, kailangan mo muna itong idulog sa barangay upang kayo ay magkausap muna ng mga property owners na maapektuhan. Kung hindi ka dadaan sa barangay, maaring ibasura ng husgado ang petisyong isasampa mo.
- Latest