^

Punto Mo

Hayflick Limit: Walang buhay habambuhay?

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon Bernardo - Pang-masa

Napabalita kamakailan ang pagkamatay ng premyadong American scientist na si Leonard Hayflick sa edad na 96 noong Agosto 1. Mahigit 50 taon niyang pinag-aralan ang proseso ng pagtanda ng tao. Tinawag na Hayflick Limit ang resulta ng isa niyang pananaliksik na nagsasaad na walang taong maaaring mabuhay nang habambuhay.

Lumalabas sa pananaliksik ni Hayflick na ang mga non-reproductive cells ng katawan ng tao ay nahahati nang 40 o  60 ulit bago nagiging senescence o tumatanda at tumitigil sa paghahati-hati. Ang hindi tumatanda ay ang mga cancer cells. Dahil anya sa cellular clock na ito ng ating katawan, walang diet o ehersisyo o pagpapabago sa genes ang makakapagpahaba sa buhay ng tao nang mahigit pa sa 125 taon.  Kinokontra nito ang paniniwala ng ibang mga scientist hinggil sa pagtanda at sa mga selula sa katawan ng tao lalo na sa tesis na immortal ang mismong mga selula at ang pagtanda ay resulta ng mga panlabas na bagay tulad ng sakit, diet at solar radiation.

Ayon sa mga ulat, naging legasya ni Hayflick ang kanyang mga pananaliksik sa pagtanda. Tahasan niyang binabatikos ang mga taong nagpapalagay na mabubuksan nila ang susi ng si­yensiya sa mas mahabang buhay o buhay na magpakailanman. Isa anyang ilusyon ang ganitong kaisipan at ang paghahangad na mapahaba pang lalo ang buhay ng tao ay kalokohan kundi man pandaraya.

Ayon sa New York Times, sinabi niya sa isang panayam sa Guardian noong 2001, “Optimist ako. Sinumang naniniwala sa pagmamanipula sa proseso ng pagtanda ng tao ay isang terrible pessimist. Ayokong mabuhay kapag nangyari yan. Ayokong mabigyan pa ng 50 taon pang pagkabuhay ang isa pang Adolf Hitler, ang isa pang Saddam Hussein.”

Sa kabila nito, humahaba na rin ang buhay ng mga tao sa mundo dahil sa pagsulong ng medisina at ibang mga usapin sa kalusugan. Maliban sa mga namamatay sa mga sakuna o karahasan. Dumarami ang mga centenarian pero wala pang nakalalampas sa 122 anyos. Gayunman, may mga nagsasabing puwedeng umabot sa 1,000 taon ang edad ng tao kung makokontrol ang pagtanda.

Pero, para kay Hayflick, ang pag-iimbento ng mga paraan para humaba ang buhay ng tao  ang pangalawang pinakamatandang propesyon sa mundo o maaaring una. May mga indibidwal anya na maglalagak sa banko ng mga perang kinikita nila sa paghimok sa mga tao na nakatuklas sila ng paraan para mapalawig ang buhay o maging immortal.

Totoo namang lahat ay merong hangganan. Meron ngang isang matagal nang kaisipan na walang permanenteng bagay sa mundo kundi pagbabago. Hindi maiiwasan ang pagtanda at kamatayan. May mga tao na humahaba ang buhay, umaabot ng 80, 90 o lampas 100 anyos pero dumarating din ang panahon na mawawala sila.

Noong Agosto 19, namatay ang itinuturing na pinakamatandang tao sa mundo na si Maria Branyas Morera ng Spain sa edad na 117.  Takdang pumalit sa kanyang trono ang Haponesang si Tomoko Itooka ng Japan na 116 anyos.

May mga naghahangad na mabuhay nang matagal pero meron din namang mga tao na tanggap na sa kanilang kalooban kung hanggang kailan sila rito sa lupa.  Patuloy naman ang mga pag-eeksperimento at pananaliksik ng mga kinauukulang eksperto kung paano higit na mapahahaba ang buhay ng tao pero wala pang nakatutuklas ng mga mas mabisang paraan. Kailangan bang umasa sa mga ganitong pag-aaral o dapat tanggapin ng tao na may hangganan ang kanyang buhay?

-oooooo-

Email:[email protected]

SCIENTIST

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with