Puwede bang pagkasunduan ang paghihiwalay ng mag-asawa!
Dear Attorney,
Puwede po bang pumirma sa isang kasunduan kaming mag-asawa na hindi na sila magsasama at sila ay magkakanya-kanya na lamang? Ilalagay rin po namin na hindi kami magdedemanda sakaling makipag-live in o magpakasal sa iba ang isa amin. Puwede po ba sa batas ang plano namin na kasunduan?—Gary
Dear Gary,
Walang magiging bisa ang plano niyong kasunduan ukol sa inyong paghihiwalay. Mababasa sa Article 1 ng Family Code ang kahalagahan ng kasal sa lipunan kaya hindi ito basta-basta mapapawalang-bisa. Tanging ang batas lamang ang puwedeng pagbatayan ng lahat ng usapin ukol sa marriage o pag-aasawa. Ito ang dahilan kung bakit bukod sa usapin ng ari-arian ay hindi maaring maging paksa ng isang kasunduan ang anumang aspeto ng isang kasal.
Nakasaad din sa Article 2035 ng Civil Code na hindi maaring pumasok sa isang kasunduan o kompromiso ang sinuman ukol sa bisa ng kasal, legal separation, o ukol sa kapangyarihan ng mga hukuman upang dinggin ang isang kaso. Sa ibinahagi mo ay hindi n’yo lang plano magkasundo sa bisa ng kasal ninyong dalawa, gusto n’yo ring magkasundo tungkol sa kapangyarihan ng ating mga korte dahil ayon sa iyo ay hindi n’yo sasampahan ng kaso ang isa’t isa sakaling sumama na kayo sa iba. Hindi iyan pinapayagan at anumang kasunduan na patungkol diyan ay malinaw na walang bisa at labag sa batas.
Malinaw ang ating batas na hindi basta-basta mapagkakasunduan ang anumang aspeto ng kasal kaya kakailanganin n’yo talagang mag-asawa na dumaan sa korte kung gusto n’yo talagang mapawalang-bisa ang inyong kasal.
- Latest